Home NATIONWIDE Petisyon sa impeachment voting rule, premature – prosekusyon

Petisyon sa impeachment voting rule, premature – prosekusyon

1
0

MANILA, Philippines – Susunod ang prosecution panel sa utos ng Supreme Court (SC) na magkomento sa petisyong kumukuwestiyon sa desisyon ng Senate impeachment court na payagan ang mas mababang minimum na bilang ng boto para mahatulan si Vice President Sara Duterte. Gayunman, naniniwala ang dalawang tagausig na maaga pa ang usapin dahil wala pang justiciable issue o isyung maaari nang resolbahin ng korte.

Sa magkahiwalay na online interview nitong Biyernes, sinabi ni lead public prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro at prosecution counsel Benjamin Tolosa Jr. na wala pang pinsalang naganap na kailangang lunasan ng mga petisyon nina Senators Robinhood Padilla at Christopher “Bong” Go.

Noong Miyerkules, iniulat na inatasan ng SC ang House of Representatives at Senado na magkomento sa petisyon nina Padilla at Go. Kinukuwestiyon nito ang pagpayag ng Senate impeachment court na gumamit ng mas mababa sa 16 na boto para mahatulan si Duterte sakaling may ilang senador na hindi makadalo sa pagboto.

“One of the requirements in filing a petition for certiorari based on grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction is injury. And I honestly believe there is no injury yet and that is why I’ve been saying the petition is premature because the only time that this will become ripe […] is when they have voted,” ani Luistro.

“Meaning there’s a verdict already as to whether the respondent vice president is convicted or acquitted, that’s the only time we say that there was injury […] But right now, while there is a ruling on the interpretation of threshold, which, as far as the impeachment court is concerned, is final already, nonetheless we cannot say that the issue is ripe without any injury,” dagdag niya.

Sumang-ayon naman si Tolosa na dapat munang hintayin ang aktuwal na pagboto dahil maaaring magbago ang komposisyon ng Senate impeachment court sa oras na maglabas ito ng hatol.

“Well, I agree but ultimately that’s a question to be decided by the Supreme Court if it’s already a justiciable question but of course one view says it’s not yet because voting has not yet occurred, we don’t even know if it’s going to be an issue because the determination of how many people can vote will be done only at the time that the judgment will already be rendered,” aniya.

“So it’s possible that the status of the senator-judges will be different at that time compared to the time now,” dagdag pa niya.

Nakasaad sa Article XI, Section 3(5) ng 1987 Constitution na kailangan ang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado upang mahatulan ang isang opisyal na ini-impeach. Sa 24 na senador, katumbas ito ng 16 na boto.

Gayunman, nagkaroon ng usapin tungkol sa bilang ng mga senator-judge na dapat isama sa pagkuwenta dahil sa pagliban ng ilang senador sa paglilitis. May mga naniniwalang dapat pa ring bilangin ang lahat ng senador kahit hindi sila nakadadalo, habang kinukuwestiyon naman ng iba kung paano makapagpapasya nang maayos ang mga hindi nakasubaybay sa paglilitis at hindi nakapag-aral ng mga dokumento at testimonya.

Noong huling araw ng paglilitis, Oktubre 13, apat na senador ang matagal nang hindi nakadadalo: sina Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta at Ronald Dela Rosa, na hindi pa nakadadalo sa alinmang araw ng paglilitis, at si Loren Legarda, na umalis ng bansa noong unang bahagi ng Agosto.

Naka-detain sina Estrada at Marcoleta kaugnay ng magkahiwalay na kasong plunder, habang hindi nagpapakita sa publiko si Dela Rosa sa gitna ng arrest order ng International Criminal Court. Naka-medical leave naman si Legarda.

Matapos ang oral arguments noong Setyembre 23, bumoto ang 13 senator-judge na naroon pabor sa paggamit ng mas mababang bilang ng boto para sa conviction. Ayon sa interpretasyon ng impeachment court, ibabatay ang two-thirds requirement sa bilang ng mga miyembro ng Senado na maaaring makibahagi sa pagboto sa oras ng paghatol.

Sa desisyong binasa ni Senate President at presiding officer Francis Escudero, hindi isasama sa pagboto ang mga senador na nakakulong, suspendido o legal na pinipigilang gampanan ang kanilang tungkulin; mga hinahanap ng awtoridad na hindi matukoy ang kinaroroonan; may pisikal o medikal na kapansanan; wala sa ilalim ng kapangyarihan ng Senado; at iba pang katulad na kalagayan.

Ipinaliwanag ni Escudero na kung 20 na lamang ang maaaring bumoto, magiging 13.33 ang two-thirds nito. Kailangang i-round up ito sa 14 na boto upang mahatulan si Duterte.

Inamin noon ni Luistro na makatutulong sa prosekusyon ang mas mababang bilang ng boto dahil mas kaunting boto ang kakailanganin upang mahatulan ang bise presidente. Gayunman, sinabi niyang mas mainam pa ring makakuha ng 16 o higit pang boto upang maiwasan ang anumang usapin tungkol sa proseso.

Orihinal na apat ang Articles of Impeachment laban kay Duterte. Ngunit noong Oktubre 13, bago pansamantalang itinigil ang paglilitis, inihayag ni Luistro sa open court na babawiin ng prosekusyon ang tatlo sa apat na artikulo at Article II na lamang ang itutuloy.

Tinutukoy ng Article II ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte at umano’y hindi pagdedeklara nito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Kapag nahatulan sa ilalim ng Article II, maaari siyang matanggal sa puwesto at mapatawan ng perpetual disqualification o habambuhay na pagbabawal na humawak ng pampublikong posisyon.

Nakatakdang magpatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 9, kung kailan ilalahad naman ng defense panel ang kanilang mga ebidensiya at saksi upang sagutin ang mga alegasyon sa Article II. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here