Home NATIONWIDE Pekeng job hiring ibinabala ng BuCor

Pekeng job hiring ibinabala ng BuCor

3
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Bureau of Corrections (BuCor) sa mga aplikante laban sa pekeng recruitment announcement na kumakalat sa Facebook matapos matuklasan ito ng intelligence agents ng ahensya.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., maaaring mauwi sa pagnanakaw ng account credentials at pagkakakilanlan, ilegal na pangangalap ng personal na impormasyon o pandarayang pinansyal ang pag-click sa anunsyo ng Facebook account na “Nationwide Job Openings PH.”

Partikular na tinukoy ni Catapang ang pekeng job vacancy sa BuCor na ipinaskil ng naturang account.

“We advise the public, particularly job applicants, not to click the link, submit personal documents, provide account credentials, or make payments through unverified websites,” ani Catapang.

Batay sa imbestigasyon, nag-aalok ang post ng iba’t ibang posisyon, kabilang ang corrections officers at technical personnel. Inilalagay naman sa comment section ang link para sa aplikasyon.

Makikita rin sa website ang mga proseso ng aplikasyon, mga kailangang dokumento, deadline at impormasyong tila opisyal na contact details ng ahensya.

Iniulat na na-flag ng VirusTotal bilang phishing URL ang link na https://tinyurl.com/new-bucor-job. Nang beripikahin, nire-redirect nito ang mga user sa shopcredit.xyz/bucor-hiring-2026/, isang hindi opisyal na website na nag-aalok umano ng mga bakanteng posisyon sa BuCor na may sahod mula P35,783 hanggang P74,879 kada buwan.

“The use of an unofficial domain and the phishing classification raise concerns that applicants may be exposed to credential theft, identity theft, unauthorized collection of personal information, or financial fraud,” ani Catapang.

Bagama’t wala pang sapat na ebidensiyang nagpapatunay na may nakuhang impormasyon mula sa mga aplikante, sinabi ni Catapang na dapat ituring na kahina-hinala ang naturang link.

Pinaalalahanan niya ang mga aplikante na tiyaking sa mga opisyal na communication channel lamang ng BuCor beripikahin ang mga anunsyo tungkol sa recruitment. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here