MANILA, Philippines – Pinalalawak ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang serbisyong pangkalusugan para sa mga senior citizen at iba pang bulnerableng sektor matapos ilunsad ang libreng flu vaccination program sa Baseco, Port Area, Maynila.
Personal na sinalubong ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso si Health Secretary Dr. Edwin Mercado nitong Biyernes, Oktubre 30, sa Amadome Court sa Baseco para sa pagsisimula ng programa na layong protektahan ang mga residente laban sa influenza.
Target sa unang bugso ng pagbabakuna ang 200 senior citizens, habang nangako naman ang Department of Health (DOH) na magbibigay pa ng karagdagang bakuna na ipamamahagi sa iba’t ibang komunidad sa Maynila sa mga susunod na linggo.
Nagpasalamat si Domagoso sa pakikipagtulungan ng DOH at sinabing malaking tulong ang ahensiya sa pagsusulong ng mga programang pangkalusugan ng lungsod sa ilalim ng Minimum Basic Needs (MBN) program.
Kasabay nito, ipinagmalaki rin ng alkalde ang nalalapit na ganap na operasyon ng bagong Baseco Hospital matapos itong lagyan ng kumpletong laboratory, operating room at emergency room equipment.
Bahagi ito ng ₱324-milyong pondo ng lungsod para sa pagbili ng mga kagamitang medikal ngayong 2026.
Ayon kay Domagoso, halos 200 pasyente na ang araw-araw na pinagsisilbihan ng ospital na kumukuha ng mga kinakailangang gamot. Inaasahan naman nitong makukuha na ng pasilidad ang lisensiya para makapagbigay ng kumpletong serbisyong pang-ospital sa mga residente.
“Manawari naman sa huling sandali ng pamumuhay nila, maramdaman nila na mahal na mahal sila ng gobyerno ng Lungsod ng Maynila,” pahayag ni Domagoso, na binigyang-diin ang pangangalaga sa mga nakatatanda.
Sinabi naman ni Mercado na patunay ang programa ng pagtutulungan ng national at local government sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) upang matiyak na maaabot ng serbisyong pangkalusugan ang bawat Pilipino.
Inihayag din ng kalihim na palalawakin ng DOH mula 75 tungo sa 135 ang listahan ng libreng gamot na maaaring makuha ng mga Manileño pagsapit ng susunod na taon. Kabilang dito ang insulin, thyroxine at mga gamot para sa family planning.
Tiniyak din ni Mercado na ligtas at epektibo ang flu vaccine. Posibleng magkaroon ng bahagyang pamamaga sa pinagbakunahang bahagi o panandaliang sintomas na kahawig ng trangkaso, ngunit karaniwang nawawala ang mga ito sa loob ng dalawang araw.
Ikinalugod naman ni Vice Mayor Angela Lei “Chi” Atienza ang programa dahil aniya, matagal na niyang nakikita ang pangangailangan ng mga residente sa Baseco para sa mas abot-kayang serbisyong pangkalusugan.
Samantala, iniulat ni OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla na sa 2,800 kaso ng sakit na naitala sa iba’t ibang pribado at pampublikong ospital, 87 ang kumpirmadong influenza.
Dahil dito, hinikayat niya ang mga senior citizen na samantalahin ang libreng bakuna na makukuha sa mga health center ng lungsod.
Iniulat din ni Padilla na nakatanggap kamakailan ng pitong parangal ang Manila Health Department dahil sa mahusay na pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan, kabilang ang Universal Health Care at pamamahala sa mga barangay health worker.
Kabilang din sa mga kinilala ang Maynila bilang kauna-unahang local government unit na nakapagtala ng 100 porsiyentong licensing ng mga primary care facility.
Bukod sa senior citizens, bukas din ang libreng flu vaccination sa mga buntis, may mahihinang immune system, mga adultong may kasabay na karamdaman, health workers at frontline personnel. JAY Reyes/larawan kuha ni Eric Ocapan