Home METRO Higit 1K pamilya inilikas sa pagsabog ng Mayon

Higit 1K pamilya inilikas sa pagsabog ng Mayon

1
0
Photo Courtesy: Father Paulo Barandon

ALBAY, Philippines – Inilikas sa mga evacuation center nitong Biyernes ang mga residenteng nakatira malapit sa dalisdis ng Bulkang Mayon matapos magsimulang makaranas ng manipis na ashfall ang ilang bayan kasunod ng “moderate explosive eruption” bago magtanghali.

Ayon kay Oscar Robert Cristobal, hepe ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (Apsemo), inaasahang ililikas ang 1,131 pamilya mula sa Tabaco City, Ligao City, at mga bayan ng Guinobatan, Camalig, Daraga at Malilipot, partikular ang mga nakatira sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ).

Nakapuwesto na umano ang mga food pack at sasakyan upang mapabilis ang paglikas ng mga residente.

Alas-11:53 ng umaga, iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nagbuga ang bulkan ng kulay-abong abo na umabot sa 3,000 metro ang taas mula sa bunganga nito. Tinangay ito ng hangin patungong kanluran-h timog-kanluran, kabilang ang direksiyon ng Daraga, Camalig, Guinobatan at mga karatig-lugar.

Naranasan naman ng Camalig, Guinobatan at Legazpi City ang bahagyang ashfall ilang oras matapos kumalat ang abo. Nag-deploy din ng mga lokal na grupo upang mamahagi ng libo-libong face mask sa mga apektadong residente.

Itinaas ng Phivolcs sa Alert Level 3 ang babala sa Mayon, na nangangahulugan ng mas mataas na posibilidad ng mapanganib na pagsabog.

Ayon kay Doreen Abelinde, science research specialist ng Phivolcs-Legazpi, naitala sa monitoring noong Oktubre 27 ang mga low-frequency volcanic quake at pagyanig na nagpapahiwatig ng paggalaw ng magma malapit sa ibabaw. Ito umano ang naging sanhi ng pagsabog.

Posible rin umanong lumakas ang pagdaloy ng lava at magkaroon ng mapanganib na pyroclastic density currents (PDCs) sa mga susunod na araw o linggo.

Pinayuhan ang mga residente na huwag pumasok sa PDZ dahil sa panganib ng PDCs, pagdaloy ng lava, pagguho ng mga bato at iba pang banta mula sa bulkan. Pinayuhan din ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa bunganga ng Mayon.

Samantala, iniutos ni Albay Gov. Noel Rosal ang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Pinayuhan din niya ang mga namumuno sa mga paaralang ginagamit bilang evacuation center na gumamit ng alternatibong paraan ng pag-aaral.

Inatasan din ni Rosal ang Philippine Army at Philippine National Police na bantayan at ipagbawal ang mga aktibidad ng tao sa loob ng danger zone. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here