Home HOME BANNER STORY 2M pasahero inaasahang dadagsa sa mga pantalan ngayong Undas – PCG

2M pasahero inaasahang dadagsa sa mga pantalan ngayong Undas – PCG

3
0

MANILA, Philippines – Inaasahang aabot sa dalawang milyon ang mga pasaherong dadagsa sa iba’t ibang pantalan sa bansa ngayong Undas, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ni PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na nakapagtala na sila ng 240,000 inbound at outbound passengers sa mga pantalan sa buong bansa, at inaasahang madaragdagan pa ito sa weekend.

“Kung ikukumpara natin nung nakaraang taon ay halos 1.5 million [passsengers] po ang ating na-monitor at nabigyan ng assistance. So ngayon, ine-expect po natin na baka pumalo pa po ito ng 2 million,” ani Cayabyab sa panayam ng state-run PTV noong Biyernes, Oktubre 30.

Halos 17,000 tauhan ng PCG ang itinalaga sa iba’t ibang lugar upang magsagawa ng 24-oras na pagbabantay. Kabilang sa kanilang tungkulin ang masusing inspeksiyon bago bumiyahe ang mga sasakyang-pandagat, lalo na sa fire safety plan at kumpletong lifesaving equipment.

Nakikipag-ugnayan din ang PCG sa mga kapitan at shipping company upang matiyak na hindi nakaharang ang mga kargamento sa emergency exit ng mga barko.

“We will not allow any vessels or even motorboats to depart any part po na lagpas po ang kanilang kapasidad sa itinakdang bilang po,” dagdag ni Cayabyab.

Nasa full alert ang lahat ng operating unit ng PCG mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero sa panahon ng paggunita sa All Saints’ Day sa Nobyembre 1 at All Souls’ Day sa Nobyembre 2. Bahagi ito ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026 ng Department of Transportation (DOTr).

Sa Southern Tagalog, nakapagtala ang PCG ng 8,480 pasahero sa loob lamang ng anim na oras nitong Biyernes, mula hatinggabi hanggang alas-6 ng umaga. Kabilang dito ang 4,107 outbound at 4,373 inbound passengers.

Sa parehong panahon, 38 sasakyang-pandagat ang siniyasat ng mga tauhan ng PCG, kabilang ang 30 roll-on/roll-off (RoRo) vessels. Walang motor banca na na-inspeksiyon.

Samantala, nagtalaga rin ang Philippine Red Cross (PRC) ng humigit-kumulang 2,000 tauhan at volunteer upang magbigay ng tulong medikal sa publiko ngayong Undas.

Ayon kay PRC Safety Services Manager Jaylord Abrigado, nagtatag sila ng 322 first aid station at 149 welfare desk sa buong bansa. Magpapakalat din sila ng 69 ambulansiya, habang nakahanda ang kabuuang 181 ambulansiya ng organisasyon.

“Meron din kaming mga foot patrols na iikot sa mga malalaking sementeryo sa ating bansa,” ani Abrigado.

Maaaring tumawag ang publiko sa Philippine Red Cross sa pamamagitan ng kanilang 143 hotline. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here