CALOOCAN CITY, Philippines – Upang maibsan ang gastusin at mapadali ang pagbiyahe ng mga mamamayan sa paggunita ng Undas 2026, maghahatid ng libreng sakay ang Caloocan City Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) sa mga ruta na malapit sa mga sementeryo sa North at South Caloocan.
Sa ilalim ng pamumuno ni Engr. Gilberto Bernardo, layunin ng serbisyo na umagapay sa mga bibisita sa sementeryo para bisitahin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
Bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga tao, naglabas rin ang PSTMD ng abiso sa trapiko.
Bukod sa PSTMD, katuwang din ang City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD), City Health Department (CHD), City Environmental Management Department (CEMD), Caloocan City Police Station (CCPS), Bureau of Fire Protection (BFP) – Caloocan, at iba pang mga tanggapan at ahensiya, sa pagpapanatili ng kaayusan, kaligtasan, at kalinisan sa mga sementeryo.
Nagpasalamat naman si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa mga kawani ng PSTMD at iba pang tanggapan sa kanilang pakikiisa sa paghahanda para sa Undas.
“Hangad nating maging ligtas at maginhawa ang paggunita ng Undas para sa ating mga kababayan. Sa pamamagitan ng libreng sakay at iba pang serbisyo, layunin nating matiyak ang maayos na kapakanan ng bawat Batang Kankaloo,” pahayag ni Mayor Along.
Hinihikayat din ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe at sumunod sa mga mahalagang paalala ng mga awtoridad upang makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan at maiwasan na maabala. (Merly Duero)