Manila, Philippines – Isang makabuluhang pagkilala sa husay, dedikasyon, at malaking ambag sa industriya ng pelikula ang iginawad kay Madam Baby Go ng BG Films International, nang tanggapin niya ang prestihiyosong Lifetime Achievement Award for Movie Production sa idinaos na 4th Gawad Dangal.
Iginawad ang parangal bilang pagkilala sa kanyang patuloy na pagsusulong ng de-kalidad na pelikulang Pilipino, partikular sa larangan ng independent filmmaking.
FYI, nakapagtala na ang BG Films International ng 17 independent films na pawang nakatanggap ng papuri at positibong pagtanggap mula sa mga kritiko.
Hindi naging madali ang paglalakbay ni Go sa mundo ng pelikula.
Kaakibat ng bawat produksiyon ang mga hamon sa paglikha ng mga kuwentong may kabuluhan, mahusay na pagkakagawa, at kakayahang makapag-iwan ng makabuluhang mensahe sa mga manonood.
Gayunman, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy niya ang kanyang adhikain na makapaghatid ng mga pelikulang may kalidad at artistikong halaga.
Labis ang kagalakan at pasasalamat ni Baby Go sa pagkilalang kanyang natanggap.
Para sa kanya, ang parangal ay hindi lamang personal na tagumpay kundi pagkilala rin sa pagsisikap at dedikasyon ng buong pangkat na nasa likod ng bawat pelikulang kanilang nagawa.
Sa kabila ng natamong tagumpay, tiniyak ni Baby Go na hindi siya titigil sa paggawa ng mga de-kalidad na pelikula.
Sa halip, magsisilbi itong dagdag na inspirasyon upang higit pang pagbutihin ang kanilang mga susunod na proyekto.
“Hindi ako titigil sa paggawa ng quality films,” ang kanyang paninindigan.
Sa 17 pelikulang naiprodyus na ng BG Films International, malinaw na patuloy ang kanilang paglalakbay sa pagsusulong ng makabuluhan at de-kalidad na pelikulang Pilipino.
Para kay Baby Go, ang Lifetime Achievement Award ay hindi pagtatapos ng isang karera, kundi panibagong simula ng mas marami pang kuwentong dapat bigyang-buhay sa pamamagitan ng pelikula. JP Ignacio