ALBAY, Philippines – Naglabas ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Biyernes ng Notice to Airmen (NOTAM) para sa mga eroplanong lilipad malapit sa Bulkang Mayon sa Albay kasunod ng katamtamang eksplosibong pagputok nito.
Nagbuga ang bulkan ng kulay-abong abo na umabot sa 3,000 metro ang taas mula sa bunganga nito.
Ayon sa CAAP, saklaw ng NOTAM ang mga flight sa paligid ng Mayon mula sa ibabaw ng lupa hanggang sa taas na 19,000 talampakan.
Epektibo ang abiso mula alas-1:27 ng hapon nitong Biyernes hanggang alas-11:53 ng umaga sa Sabado.
“Flight operators are advised to avoid flying near the volcano,” paalala ng CAAP.
Nauna nang iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na tumagal nang halos anim na minuto ang pagputok ng Mayon, mula alas-11:53 hanggang alas-11:59 ng umaga.
Matapos ang aktibidad, itinaas sa Alert Level 3 ang babala sa bulkan, na nagpapahiwatig ng tumataas na posibilidad ng mapanganib na pagsabog. RNT/MDS