ZAMBOANGA CITY, Philippines – Umabot sa ₱17.65 milyon ang halaga ng mga pinaghihinalaang ipinuslit na sigarilyong nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa Zamboanga Peninsula noong Miyerkules, Oktubre 28, ayon sa Police Regional Office 9 (PRO-9).
Ayon kay Police Lt. Col. Shellamie Chang, hepe ng PRO-9 Regional Public Information Office, kabuuang 102 master case at 500 ream ng mga sigarilyo ang nasabat sa pinaigting na operasyon sa mga checkpoint at pakikipag-ugnayan sa Bureau of Customs (BOC).
Sa Zamboanga City, hinarang ng mga tauhan ng Zamboanga City Police Station 13 at 2nd Zamboanga City Mobile Force Company Seaborne ang isang puting Isuzu Elf closed van sa Baliwasan Seaside, Barangay San Jose Gusu, bandang alas-1:27 ng madaling-araw.
Batay sa impormasyong nakuha mula sa City Drug Enforcement Unit at City Intelligence Unit, pinara at sinuri ng mga pulis ang van matapos mabigong magpakita ang drayber ng mga wastong dokumento sa pagbiyahe ng kargamento.
Sa isinagawang imbentaryo kasama ang BOC, natuklasan ang 102 master case ng sigarilyong nagkakahalaga ng ₱15,717,139.20.
Kinumpiska ang van at dinala kasama ng mga sigarilyo sa kustodiya ng BOC. Nasa kustodiya naman ng ZCPS 13 ang drayber habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Bandang alas-2:30 naman ng hapon, nakarekober ang mga tauhan ng 2nd Zamboanga del Norte Provincial Mobile Force Company ng isa pang kargamento sa isinagawang Oplan Sita sa Gatas Border Control Point, Barangay Gatas, Kalawit, Zamboanga del Norte.
Kusang isinauli ng mga tripulante ng isang Ceres bus na biyaheng Bacolod mula Zamboanga City ang kahina-hinalang mga bagahe sa mga pulis. Ayon sa kanila, isinakay ng mga hindi nakilalang indibidwal ang mga ito sa Ipil, Zamboanga Sibugay, nang hindi sinasabi kung sino ang tatanggap ng kargamento.
Sa pagsusuri, natuklasan sa mga iniwang bagahe ang 500 ream ng pinaghihinalaang ipinuslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng tinatayang ₱1.93 milyon batay sa Standard Price Index ng BOC.
Pinayagang magpatuloy sa biyahe ang bus at mga tripulante matapos ang dokumentasyon, habang nasa kustodiya ng pulisya ang mga nasamsam na sigarilyo habang hinihintay ang turnover sa BOC.
Pinuri ni Police Brig. Gen. Elmer Ragay, direktor ng PRO-9, ang publiko at mga operator ng bus sa pagsumbong sa mga kahina-hinalang aktibidad. Muli niyang iginiit ang paninindigan ng rehiyonal na pulisya laban sa ilegal na kalakalan.
“Every timely report and swift police response matters in preventing the movement of illicit goods in our communities,” ani Ragay.
“We will continue to strengthen our intelligence-driven operations and coordination with the BOC and other partner agencies to ensure that suspected smuggling activities are addressed promptly and in accordance with the law,” dagdag niya. RNT/MDS