LA UNION, Philippines – Nagpositibo sa paunang pagsusuri sa ilegal na droga ang isang jeepney driver sa La Union sa sorpresang drug screening sa mga driver at konduktor ng public utility vehicle (PUV) sa Ilocos Region nitong Huwebes, Oktubre 29.
Saklaw ng pagsusuri ang 111 manggagawa sa transportasyon bilang bahagi ng pinaigting na hakbang para sa kaligtasan sa kalsada bago ang Undas.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1, lumabas na positibo ang resulta ng paunang pagsusuri sa driver sa ilalim ng Oplan Harabas, isang operasyong naglalayong pigilan ang pagmamaneho ng mga manggagawa sa pampublikong transportasyon habang nasa impluwensiya ng ilegal na droga.
Ini-refer ang driver sa Department of Health Treatment and Rehabilitation Center (DOH-TRC) sa La Union para sa drug dependency examination at confirmatory testing.
Pinangunahan ni PDEA Region 1 Director Julius M. Paderes ang operasyon sa koordinasyon ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police-La Union Police Provincial Office, DOH-TRC La Union at Regional Highway Patrol Unit 1.
Bukod sa drug testing, siniyasat din ng PDEA K-9 units ang mga bus terminal, cargo bay at lagayan ng bagahe upang matukoy ang posibleng ilegal na droga at iba pang kontrabando.
Namahagi rin ang mga awtoridad ng mga babasahing pang-impormasyon at edukasyon sa mga pasahero at manggagawa sa transportasyon upang isulong ang responsableng pagmamaneho at pag-iwas sa droga.
Ayon sa PDEA, bahagi ang operasyon ng pinaigting na seguridad at mga hakbang sa kaligtasan upang maprotektahan ang mga biyaherong bibiyahe ngayong Undas. RNT/MDS