MANILA, Philippines – Umabot sa panibagong pinakamataas na antas na ₱19.66 trilyon ang outstanding debt ng pambansang pamahalaan hanggang katapusan ng Setyembre 2026, bunsod pangunahin ng paghina ng piso na nagpataas sa halaga ng mga utang na denominated sa dayuhang salapi.
Batay sa datos ng Bureau of the Treasury (BTr), tumaas ng 0.27 porsiyento ang kabuuang utang mula sa ₱19.61 trilyon noong katapusan ng Agosto.
Mula naman noong Disyembre 2025, lumobo ng 11.03 porsiyento o ₱1.95 trilyon ang utang, mula sa ₱17.71 trilyon.
Sa kabuuang utang, 67.39 porsiyento ang domestic debt o utang sa loob ng bansa, habang 32.61 porsiyento naman ang external debt o utang sa ibang bansa.
Umabot sa ₱13.25 trilyon ang domestic debt, bahagyang tumaas ng 0.07 porsiyento o ₱8.78 bilyon mula sa ₱13.24 trilyon noong katapusan ng Agosto.
Ayon sa BTr, pangunahing dahilan nito ang net issuance na ₱7.66 bilyon ng government securities, kasabay ng paghina ng piso laban sa dolyar.
Mula Disyembre 2025, tumaas din ng 9.34 porsiyento o ₱1.13 trilyon ang domestic debt, mula sa ₱12.12 trilyon.
“The increase reflects the cumulative effect of financing activities, together with valuation effects arising from exchange rate movements,” ayon sa BTr.
Samantala, umakyat sa ₱6.41 trilyon ang external debt hanggang katapusan ng Setyembre, mas mataas ng 0.70 porsiyento o ₱44.69 bilyon kumpara sa ₱6.37 trilyon noong katapusan ng Agosto.
Ayon sa Treasury, pangunahing dahilan nito ang pagtaas ng ₱40.12 bilyon sa halaga ng mga utang na denominated sa foreign currency dahil sa paghina ng piso laban sa dolyar, gayundin ang net availment na ₱9.27 bilyon mula sa external loans.
Bahagya naman itong nabawasan ng ₱4.70 bilyon dahil sa paggalaw ng halaga ng iba pang foreign currency laban sa dolyar.
Mula Disyembre 2025, tumaas ng 14.67 porsiyento o ₱820.43 bilyon ang external debt, mula sa ₱5.59 trilyon.
Ayon sa Treasury, nagmula ito sa net external borrowing na ₱462.85 bilyon at epekto ng pagbabago sa halaga ng palitan ng salapi na umabot sa ₱357.58 bilyon.
Para sa 2026, target ng pamahalaan na makakolekta ng ₱4.81 trilyon na kita habang inaasahang gagastos ng ₱6.793 trilyon. Paghihiraman ang malaking bahagi ng pondong kailangan upang punan ang kakulangan.
Para naman sa 2027, iminungkahi ang ₱7.2 trilyong pambansang budget, habang target ng pamahalaan na makakolekta ng ₱5.21 trilyon na kita. RNT/MDS