MANILA, Philippines – Mahigit 36,000 pasahero ang naitala sa mga pantalan sa buong bansa nitong Sabado ng umaga, Oktubre 31, habang naglalakbay ang mga Pilipino patungo sa kani-kanilang probinsya para sa paggunita ng Undas, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Batay sa pinakahuling tala ng PCG hanggang alas-7:45 ng umaga, umabot sa 18,717 ang outbound passengers o mga paalis na pasahero, habang 17,491 naman ang inbound passengers o mga dumarating.
Iniulat din ng ahensya na siniyasat nito ang 216 barko at 72 motor banca.
Noong Biyernes, nakapagtala ang PCG ng mahigit 100,000 pasahero sa mga pantalan mula tanghali hanggang alas-6 ng gabi, at mahigit 60,000 pa mula alas-6 ng gabi hanggang hatinggabi.
Bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga biyahero sa Undas, inilagay ng PCG sa heightened alert ang lahat ng yunit nito at nagtalaga ng 6,146 frontline personnel sa mga pangunahing pantalan sa bansa.
Nauna nang sinabi ng Philippine Ports Authority na inaasahang aabot sa 1.93 milyon ang mga pasaherong maglalakbay sa pamamagitan ng barko patungo sa kanilang mga probinsya ngayong long weekend. Bahagya itong mas mataas sa 1.90 milyong naitala noong 2025. RNT/MDS