MANILA, Philippines – Natagpuang patay sa isang taniman ng mais ang isang 35-anyos na rice trader na ilang araw nang nawawala sa Sitio Amnay, Barangay Barahan, Sta. Cruz, Occidental Mindoro nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang biktima na si John Edmon Tardio na natagpuan alas-9:39 ng umaga na tadtad ng saksak sa katawan.
Ayon kay PLtCol. Xelacor Marie Garcia, public information officer ng Occidental Mindoro Police Provincial Office, mayroon nang dalawang persons of interest (POI) ang pulisya kaugnay ng krimen. Pareho rin umanong rice trader ang mga ito.
Gayunman, nilinaw ng pulisya na hindi pa itinuturing na mga suspek ang dalawa, ngunit maaaring makatulong ang kanilang impormasyon sa paglutas ng kaso.
Sa paunang imbestigasyon, iniulat ng asawa ni Tardio ang pagkawala nito sa Sta. Cruz Police Station noong Oktubre 28. Huli umano siyang nakitang sakay ng motorsiklo.
Nabatid din na nakipag-inuman umano ang biktima sa dalawang persons of interest bago ito nawala.
Tinitingnan ng mga imbestigador ang posibilidad na pagnanakaw ang motibo sa krimen matapos mawala ang P100,000 na dala ng biktima. Ayon sa ulat, ibinigay umano sa kanya ng isang financier ang pera para ipambili ng palay.
Samantala, nananawagan ng hustisya ang pamilya ng biktima. RNT/JGC