MANILA, Philippines – Libre ang terminal fee at mas komportable ang biyahe sa bagong bukas na Port of Lucena sa Quezon sakto sa dagsa ng mga pasahero ngayong Undas.
Sinuspinde kasi ng Philippine Ports Authority (PPA) ang koleksyon ng Passenger Terminal Fee (PTF) hanggang Disyembre 31, 2026.
Layon ng hakbang na pagaanin ang gastos ng mga biyahero kasabay ng mas magandang karanasan sa biyahe.
Magkakaroon din ng libreng shuttle services sa Port of Lucena at Terminal Management Office (TMO) sa Balanacan Port sa Marinduque.
Kayang tumanggap ang bagong passenger terminal ng hanggang 1,000 pasahero at mas maayos at komportable ang waiting area bago sumakay ng barko.
Mayroon din itong 144 solar panels para magsuplay ng kuryente.
Mayroong pitong ruta ang mga barko sa Lucena Port patungo sa mga probinsya ng Marinduque at Romblon. RNT/JGC