MANILA, Philippines -Maayos pa rin ang daloy ng mga pasahero sa Port of Calapan ngayong Oktubre 31, 2026, sa kabila ng inaasahang dagsa ngayong Undas.
Ayon sa Port Management Office (PMO) Mindoro ng Philippine Ports Authority (PPA), wala pang naitatalang malaking pagdami ng pasahero at galaw ng barko kumpara sa kaparehong petsa noong nakaraang taon.
Mula Oktubre 29 hanggang 30, nakapagtala ang pantalan ng 15,147 pasahero na bumiyahe papasok at palabas ng Calapan — mas mababa ng halos 10% kumpara sa 16,763 noong 2025.
Samantala, tumaas naman ang vessel operations na may 163 vessel movements sa kaparehong panahon, mas mataas ng 9% kumpara sa 150 noong nakaraang taon.
Nanatili ring operational at kontrolado ang pagpapatupad ng Online Reservation and Appointment System (ORAS) sa pantalan sa tulong ng mga encoder at verifier ng PMO.
Tiniyak ng PPA na tuloy-tuloy ang paghahanda para sa ligtas at maayos na biyahe ng publiko ngayong Undas 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden