Home NATIONWIDE Inaugural session ng Bangsamoro Parliament, magdudulot ng kapayapaan – Escudero

Inaugural session ng Bangsamoro Parliament, magdudulot ng kapayapaan – Escudero

2
0

MANILA, Philippines – Pinuri ni Senador Francis “Chiz” Escudero nitong Sabado ang pagtitipon ng kauna-unahang halal na Parlamento ng Bangsamoro na inaasahang magdudulot ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.

Sa pahayag, tinawag ni Escudero ang makasaysayang pagtitipon ng parlamento bilang isang milestone sa pagsisikap ng bansa sa kapayapaan na magdudulot ng mas malawak na oportunidad sa ekonomiya at kaunlaran sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Ang inaugural session kahapon ay patunay ng pag-usad na nagawa natin sa pag-transform ng dekada ng tunggalian tungo sa makabuluhang oportunidad para sa kapayapaan, katatagan at sariling pamamahala,” pahayag ni Escudero.

“Binabati ko si Chief Minister Abdulraof Macacua at ang mga miyembro ng kauna-unahang halal na Parlamento ng Bangsamoro at hinihiling ko ang kanilang tagumpay habang pinangungunahan nila ang rehiyon tungo sa higit na kapayapaan, katatagan at kaunlaran,” dagdag pa niya.

Kasabay nito, hinimok din ni Escudero ang lahat ng ating kapatid sa Muslim na magkaisa upang isulong ang interes at mithiin ng mamamayang Bangsamoro.

Sinabi pa ng beteranong mambabatas na ang pagkakatatag ng kauna-unahang halal na parliamentary government ng rehiyon ay hudyat ng panibagong kabanata sa sariling pamamahala ng Bangsamoro, matapos ang ilang taong pagtatayo ng mga institusyon sa ilalim ng prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

“Tagumpay ito hindi lamang ng mamamayang Bangsamoro kundi ng buong bansa. Patunay ito na ang kapayapaan, kapag inalagaan sa pamamagitan ng dayalogo, pasensya at pagtutulungan, ay maaaring humantong sa mas matatag na institusyon at mas empowered na komunidad,” ani Escudero.

Nagpahayag siya ng kumpiyansa na ang bagong tatag na parlamento ay pagpapatuloy ang mga nakamit noong transition period upang palakasin ang paglago ng ekonomiya, pagbutihin ang serbisyong publiko at palawakin ang mga oportunidad para sa mga komunidad ng Bangsamoro.

“Umaasa tayo na ang parlamentong ito ay makakatulong na maisalin ang mga bunga ng kapayapaan tungo sa konkretong pag-unlad para sa mga taong pinaglilingkuran nito ngayon. Ang tunay na tagumpay ng demokratikong transisyon na ito ay masusukat sa kung paano nito mapapabuti ang araw-araw na pamumuhay ng ordinaryong pamilyang Bangsamoro,” sabi ng mambabatas mula sa Bicol. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here