MANILA, Philippines — Magdadagdag ng mga tren ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ngayong Lunes, Nobyembre 2, bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga pasaherong babalik sa Metro Manila matapos ang Undas weekend.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), 19 na tren ang ide-deploy sa peak hours sa Lunes.
Mas marami ito kumpara sa karaniwang holiday deployment na 14 na tren sa non-peak hours at 16 na tren sa peak hours.
Layunin ng dagdag na deployment na mas maraming pasahero ang ma-accommodate at maging mas maginhawa ang kanilang biyahe, ayon sa DOTr.
Para sa Nobyembre 2, aalis ang unang tren mula North Avenue station alas-4:30 ng madaling araw, habang alas-5:05 naman mula Taft Avenue station.
Ang huling tren mula North Avenue ay aalis alas-10:30 ng gabi, habang alas-11:09 ng gabi naman mula Taft Avenue.
Nananatili rin sa heightened alert ang MRT-3 ngayong Undas period.
Nasa 700 personnel ang ipinakalat upang tiyakin ang seguridad sa buong linya. Dave Medina