Home NATIONWIDE FBI: North Korea nasa likod ng mahigit $6B Binance crypto heist

FBI: North Korea nasa likod ng mahigit $6B Binance crypto heist

3
0

MANILA, Philippines — Iniuugnay ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa North Korea ang pagnanakaw ng mahigit $6 bilyong halaga ng cryptocurrency mula sa Binance, isa sa pinakamalaking crypto exchange sa mundo.

Ayon sa FBI, isang North Korean state-sponsored cyber operation na tinatawag nitong “TraderTraitor” ang responsable umano sa pag-atake sa Binance noong Oktubre 29.

Sinabi ng FBI na mino-monitor din nito ang paglilipat ng mga ninakaw na virtual assets, na karamihan ay kino-convert umano sa Ethereum bago dumaan sa iba pang cryptocurrency services bilang bahagi ng posibleng money laundering.

Samantala, sinabi ng Binance na naglaan ito ng mahigit $6.34 bilyong company funds upang sagutin ang epekto ng hack at hindi ipapasa sa mga user ang pagkalugi.

Mahigit $6 bilyon na umano sa mga ninakaw na asset ang napalitan ng kumpanya gamit ang sarili nitong pondo, habang patuloy ang pagsisikap na maibalik ang natitirang halaga.

Pansamantalang sinuspinde ng Binance ang withdrawals kasunod ng cyberattack ngunit sinimulan nitong ibalik ang serbisyo sa mga user sa pamamagitan ng phased reopening.

Unang binuksan muli ang Bitcoin network habang unti-unting ibinabalik ang iba pang tokens at networks matapos ang security at stability checks.

Ayon sa Binance, nananatiling ligtas ang pondo ng mga user at sasagutin ng kumpanya ang financial impact ng insidente.

Bumagsak din ang presyo ng ilang pangunahing cryptocurrency matapos kumalat ang balita tungkol sa cyberattack.

Patuloy namang nakikipagtulungan ang FBI sa iba pang ahensya at private-sector entities upang matunton at ma-block ang paggalaw ng mga ninakaw na virtual assets. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here