MANILA, Philippines — Muling nanawagan ang pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) sa mga magulang at guardian na ipasailalim sa profiling at wrist tagging ang mga kasamang menor de edad habang bumibisita sa sementeryo ngayong Undas.
Kasunod ito ng pagkakahiwalay ng 20 bata sa kanilang mga pamilya habang dumadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Ayon kay MNC Director Dan-Dan Tan, naibalik naman sa kani-kanilang magulang o guardian ang mga bata matapos paulit-ulit na ipanawagan sa pamamagitan ng paging system ng sementeryo.
Binigyang-diin ni Tan na mahalaga ang profiling at wrist tagging para sa kaligtasan ng mga bata, lalo na’t inaasahan pa rin ang pagdagsa ng mga bisita sa sementeryo.
Hinimok din niya ang mga magulang na huwag maging kampante kahit naniniwala silang hindi lalayo sa kanila ang kanilang mga anak habang nasa loob ng sementeryo.
Aniya, malaking tulong ang wrist tag upang mabilis na matukoy ang pagkakakilanlan ng isang bata at makontak ang kanyang magulang o guardian sakaling maligaw o mahiwalay sa pamilya.