MANILA, Philippines — Arestado ang 13 katao habang tinatayang P12 milyong halaga ng online gaming equipment ang nasamsam sa isinagawang anti-POGO operation sa Iligan City.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), isinagawa ang operasyon noong Oktubre 29 sa Barangay Hinapolan matapos makatanggap at makumpirma umano ng mga awtoridad ang impormasyon hinggil sa ilegal na offshore gaming operation sa lugar.
Armado ng search warrant, sinalakay ng mga operatiba ang establisimyento at inaresto ang dalawang umano’y manager at 11 online dealer.
Sinabi ni PAOCC Executive Director Usec. Benjamin Acorda Jr. na hindi umano simpleng maliit na operasyon ang sinalakay dahil sa dami at halaga ng mga kagamitang narekober.
Kabilang sa mga nasamsam ang computer processing units, monitors, cameras, recording devices, tablets, card scanners, gaming tables, card decks, lighting equipment at iba pang gaming accessories.
Tinatayang nasa P12 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kagamitan.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga inaresto at nahaharap sa mga reklamong kinabibilangan ng paglabag sa Republic Act No. 12312 o Anti-POGO Act of 2025.
Patuloy naman ang kampanya ng mga awtoridad laban sa ilegal na online gaming, online scams at iba pang operasyong kahalintulad ng ipinagbawal na Philippine Offshore Gaming Operators. Mary Anne Sapico