HULING pambansang badyet o General Appropriations Act ng gobyernong Marcos ang para sa 2027 kaya itinodo na ang paggawa ng milagro o misteryo rito…kung paniniwalaan ang mga kritiko.
Ito’y dahil sa ibang administrasyon na ang hahawak ng pagbuo at paggamit ng pambansang salapi sa 2028.
‘Yan ay kung magkakaroon ng eleksyon dahil magbabago na ang uupo sa Malakanyang na rerenda sa salapi ng taumbayan na ipinahahawak at ginagamit ng pamahalaan.
PALATANDAAN NG MILAGRO AT MISTERYO
Depende sa pinal na pagsusuri ng Senado sa panukalang pambansang badyet mula sa Kamara bilang reaksyon sa panukalang National Expenditure Program mula sa Malakanyang, maaaring meron o walang milagro o misteryo.
Ngunit batay sa mga pahayag ng mga Civil Society Organization sa Senado, kwestiyonable ang 2027 badyet.
Gayunman, ipinauubaya ng mga CSO sa Senado kung mga amoy milagro o misteryo ay palatandaan ng korapsyon.
Ayon sa mga CSO, may P190-P220 bilyong insertion o isiningit na mga programa at proyekto ng mga kongresman nang walang kaukulang dokumentong pampubliko.
Itong P190B-P220B umano ay binubuo ng nasa 7,000 programa o proyekto at pinakamalaki ang inilaan sa Department of Public Works and Highways sa halagang P172B.
Kabilang sa mga proyekto sa DPWH ang 6,000 na karamiha’y multi-purpose buildings.
Meron ding P2B para sa 180 pasilidad ng Department of Health at P6B para sa 350 bagong farm-to-market road ng Department of Agriculture ang ilan ay itatayo sa Philippine o Benham Rise, sa Celebes Sea, at may mga gusali sa Algeria at Nigeria.
Meron ding 200 proyekto ang National Irrigation Administration na may P7B pondo.
BILYONES NA PROYEKTO SA MGA DISTRITO
May kongresman umano sa Ilocos na may P4.3B budget; Misamis Occidental – P1.8B; Davao Region – P1.7B; Isabela – P1.7B; Cotabato – P1.6B; Bohol – P1.5B; Nueva Ecija – P1.3B; Batangas – P1.3B; at Zambales – P1.2B.
Yung iba, daan-daang milyon ang halaga ng kanilang mga proyekto, ngunit hindi kasali ang nasa 25 sari-saring miyembro ng minorya na hindi bumoto sa pagpasa ng 2027 panukalang badyet.
Ayon kay Cong. Chavit Singson, may nakakuha ng nasa P31B sa nakalipas na apat taon ng administrasyong Marcos at dinagdagan pa sa 2027.
Para kay Cong. Isidro Ungab, tinatawag na Basic Infrastracture Program o district projects ang mga ito at hawak ng mga kongresman.
Ayon pa sa mga CSO, bukod sa mga imprastraktura, may P72B pa para sa iba’t ibang soft projects o para sa kalusugan, trabaho at emergency na lahat ay dapat dumaan sa mga kongresman.
Inilagay ang mga ito sa TUPAD, AICS at iba pa at kailangang dumaan sa mga kongresman na mag-iisyu ng guarantee letters bilang ayuda sa kalusugan, trabaho at emergency.
SENADO ANG PAG-ASA?
Halos lahat ay nagsasabing ang Senado ang pag-asang magkaroon pa rin ng pagbabago sa mga insertion at mapigilan ang posibleng korapsyon sa 2027 budget.
Gayunman, ano kaya ang mangyayari sa Bicameral Conference Committee na lumilitaw na mas makapangyarihan sa Kamara at Senado?
Ano naman kaya ang mangyayari kung maiharap na kay Pangulong Bongbong Marcos ang kinukuwestiyong mga insertion.
May ibe-veto pa siya o wala lalo’t huling budget na ito na kanyang mapagdedesisyunan bilang Pangulo?






