MANILA, Philippines – Bumaba ang bilang ng mga pasaherong dumaan sa mga pantalan sa buong bansa ngayong Undas kumpara noong nakaraang taon dahil sa pagtaas ng pamasahe at mas maikling bakasyon, ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).
Iniulat ng PPA na umabot sa 1,362,454 ang mga pasaherong dumaan sa mga pantalan nito mula Okt. 27 hanggang Nob. 2, mas mababa kumpara sa 1,623,836 noong kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Pinakamaraming pasahero ang naitala noong Okt. 31 na may 245,718, sinundan ng Okt. 30 na may 222,874.
Sa panayam, kinilala ni PPA General Manager Jay Santiago ang pagbaba ng bilang ng mga pasahero. Ayon sa kanya, isa sa mga pangunahing dahilan nito ang pagtaas ng 10 hanggang 15 porsiyento sa pamasahe sa ferry.
Bumaba rin ang bilang ng mga pasahero sa Batangas Port. Mula sa karaniwang 17,000 hanggang 18,000 pasahero kada araw tuwing peak season, nasa 7,000 hanggang 8,000 lamang ang naitala noong Okt. 31.
Dagdag pa ni Santiago, nakaapekto rin ang maikling bakasyon ngayong Undas na tumagal lamang mula Sabado hanggang Lunes.
“We observed that because the break was short, lasting only from Saturday to Monday, many of our fellow citizens may have postponed their trips until the following week, when they could enjoy a five-day holiday from Nov. 14 to 18, coinciding with the Asean (Association of Southeast Asian Nations) Summit,” aniya.
Nauna nang idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na special non-working days sa Metro Manila ang Nob. 16 hanggang 18 para sa 49th Asean Summit na pangunahing gaganapin sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Ayon kay Santiago, gagamitin din ng PPA ang mga paghahandang ipinatupad noong Undas para sa susunod na mahabang bakasyon. Hinikayat din niya ang mga shipping line na ibaba ang pamasahe upang makahikayat ng mas maraming pasahero.
Samantala, iniulat ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na umabot sa 1,686,201 ang mga pasaherong dumaan sa terminal mula Okt. 25 hanggang Nob. 2, mas mataas kumpara sa 1,433,716 noong kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi ni PITX Senior Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa na mas maraming pasahero ngayong taon dahil mas pinili ng ilan ang pampublikong transportasyon kaysa gumamit ng sariling sasakyan bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis.
Dagdag niya, marami rin ang gumamit ng Light Rail Transit (LRT) dahil direktang konektado ang istasyon nito sa terminal.
Samantala, nakapagtala naman ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng 1,003,714 domestic at international passengers mula Okt. 27 hanggang Nob. 2. Mas mataas ito nang bahagya kumpara sa 992,762 na naitala noong kaparehong panahon noong nakaraang taon. RNT/MDS/Jocelyn Tabangcura-Domenden