MANILA, Philippines – Arestado ng Bureau of Immigration (BI) sa Cabanatuan City ang isang Japanese fugitive na umano’y kabilang sa mga lider ng transnational criminal syndicate na JP Dragon.
Kinilala ng BI ang suspek na si Yamamoto Yoshitama, 57, na nadakip sa operasyon noong Oktubre 31.
Ayon sa BI, wanted si Yamamoto sa Japan dahil sa mga kasong fraud, theft at attempted theft batay sa arrest warrant na inilabas ng Fukuoka Summary Court noong Disyembre 27, 2022.
Sinabi ni BI Fugitive Search Unit chief Rendel Ryan Sy na umano’y kabilang si Yamamoto sa mga lider ng JP Dragon, isang Japan-based criminal group na sinasabing binubuo ng maraming dating miyembro ng yakuza at pangunahing nag-o-operate sa Metro Manila.
Iniuugnay umano ang grupo sa telephone fraud schemes kung saan nagpapanggap ang mga miyembro bilang mga pulis upang makuha ang ATM cards at banking information ng mga biktima, partikular ang mga matatandang Japanese.
Ayon sa BI, pinaghihinalaan ng Japanese investigators na nasa 250 biktima ang naloko ng grupo mula noong 2019, na tinatayang umabot sa ¥900 milyon o humigit-kumulang P362 milyon ang halaga.
Mananatili si Yamamoto sa BI Warden’s Facility habang isinasagawa ang deportation proceedings laban sa kanya.
Tiniyak naman ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na patuloy na paiigtingin ng BI ang operasyon laban sa mga dayuhang pugante na nagtatangkang magtago sa Pilipinas.