MANILA, Philippines – Dalawang sakay ng habal-habal ang nasawi matapos masangkot sa aksidente ang dalawang dump truck sa Tanjay, Negros Oriental.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng isang dump truck at nabangga nito ang sinusundan na mini dump truck.
Dahil sa lakas ng impact, bumilis ang andar ng mini dump truck at nahagip ang kasalubong na habal-habal.
Tumagilid din ang isa sa mga truck at nadaganan ang dalawang biktima na ikinasawi ng mga ito.
Bukod sa dalawang nasawi, siyam na sakay ng truck ang nasugatan sa insidente.
Ayon sa ulat, pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ng Tanjay ang dalawang truck at ginagamit bilang service vehicle ng mga kawani nito.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga driver habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa aksidente. Mary Anne Sapico