MANILA, Philippines – Kailangang personal na dumalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa courtroom araw-araw sa sandaling magsimula ang kanyang paglilitis sa International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 30.
Ito ang ipinaalala ni Trial Chamber III Presiding Judge Joanna Korner sa defense counsel ni Duterte na si Peter Haynes.
Ayon kay Korner, bagama’t maaaring payagan ng korte ang pansamantalang hindi pagdalo sa ilang preliminary proceedings, inaasahan ang presensya ng akusado sa aktuwal na paglilitis.
“Once the actual trial starts, we will expect attendance on a daily basis,” ani Korner.
Nakasaad sa Article 63(1) ng Rome Statute na kailangang naroroon ang akusado habang isinasagawa ang trial.
Gayunman, maaari pa ring ikonsidera ng Trial Chamber ang mga kahilingan para sa remote participation o pansamantalang excusal sa ilalim ng mga natatanging sitwasyon.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay at tangkang pagpatay sa ilalim ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Noong Oktubre 8, pinasyahan ng Trial Chamber III na fit to stand trial si Duterte. Nakatakdang buksan ang kanyang paglilitis sa Nobyembre 30. Dave Medina