MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Panfilo “Ping” Lacson laban sa pagsasapubliko ng sensitibong detalye kaugnay ng operasyon para mahanap at maaresto si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Lacson, mahalaga ang “secrecy discipline” kapag hinahabol ng mga awtoridad ang isang high-profile target o humahawak ng sensitibong kaso.
Aniya, hindi dapat agad inilalabas sa publiko ang matibay na intelligence information hangga’t hindi natatapos ang operasyon, maliban na lamang kung bahagi ito ng sinadyang disinformation upang mapalabas sa pinagtataguan ang target.
Iginiit ni Lacson, dating hepe ng Philippine National Police, na maaaring makasira sa operasyon ang maagang pagsisiwalat ng impormasyon dahil posibleng minomonitor din ng target ang mga inilalabas na detalye.
Gayunman, sinabi niyang nasa PNP pa rin ang desisyon kung anong impormasyon ang dapat ilabas dahil mas malawak ang access nito sa intelligence information.
Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad kay dela Rosa matapos mapaso ang ibinigay na isang linggong palugit para sa kanyang pagsuko.
May P50 milyong reward din na inaalok para sa impormasyong hahantong sa kanyang pag-aresto.
Nahaharap si dela Rosa sa arrest warrant ng International Criminal Court kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. RNT