MANILA, Philippines – Labindalawang lugar sa bansa ang posibleng makaranas ng drought o matinding kakulangan sa ulan sa pagtatapos ng Nobyembre dahil sa umiiral na El Niño, ayon sa PAGASA.
Kabilang sa mga lugar na posibleng maapektuhan ang Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Capiz, Negros Oriental, Leyte kabilang ang Tacloban City, Samar, Siquijor, Southern Leyte, Isabela City sa Basilan, at Misamis Oriental kabilang ang Cagayan de Oro City.
Bukod dito, 57 lugar naman ang maaaring makaranas ng dry spell habang 11 lugar ang posibleng magkaroon ng dry condition bago matapos ang buwan.
Ayon sa PAGASA, itinuturing na drought kapag bumaba nang mahigit 60% sa normal ang ulan sa loob ng tatlong sunod na buwan, o hindi bababa sa 20% ang kakulangan sa ulan sa loob ng limang magkakasunod na buwan.
Dry spell naman ang below-normal rainfall sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan, habang dry condition kapag dalawang sunod na buwan itong nararanasan.
Inaasahan ngayong Nobyembre ang way below normal rainfall sa Metro Manila, Northern Luzon, Marinduque, Romblon, Mindoro at ilang bahagi ng Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region at Palawan.
Below-normal rainfall naman ang maaaring maranasan sa malaking bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Nananatiling strong to very strong ang El Niño sa tropical Pacific at inaasahang aabot sa peak bago matapos ang 2026. Posible ring magpatuloy ang epekto nito hanggang unang bahagi ng 2027.
Samantala, isa hanggang dalawang tropical cyclone ang maaaring pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong Nobyembre. Santi Celario