MANILA, Philippines – Nasawi ang dalawang batang babae matapos malunod habang naliligo sa Iponan River sa Cagayan de Oro City nitong Linggo, Nobyembre 1.
Ayon sa ulat, 12 at 13 taong gulang ang mga biktima na naligo sa bahagi ng ilog sa Barangay Pagatpat.
Mga residente sa lugar ang unang rumesponde matapos umanong marinig ang paghingi ng tulong ng dalawang bata.
Dumating din ang rescue team at agad na nagsagawa ng resuscitation bago isinugod ang mga biktima sa ospital.
Gayunman, kapwa idineklarang patay ang dalawang menor de edad sa kabila ng ginawang pagsagip sa kanila.
Kasunod ng insidente, sinabi ng mga opisyal ng barangay na maglalagay sila ng mga warning sign na nagbabawal sa paglangoy sa ilog upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya. Mary Anne Sapico