Home METRO 2 SoKor fugitive na sangkot sa P160-M scam, timbog sa NAIA

2 SoKor fugitive na sangkot sa P160-M scam, timbog sa NAIA

1
0

MANILA, Philippines – Dalawang South Korean national na wanted sa kanilang bansa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa magkahiwalay na scam syndicate ang naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kinilala ng BI ang mga suspek na sina Lee Jaeryeon, 32, at An Intae, 29, na kapwa naaresto noong Oktubre 20 sa NAIA Terminal 1 habang papunta sana sa Vietnam.

Ayon kay BI-INTERPOL Acting Chief Peter De Guzman, kapwa may Interpol Red Notice ang dalawang dayuhan kaugnay ng mga kasong kinakaharap nila sa South Korea.

Si Lee ay iniuugnay umano sa isang romance scam syndicate na nagpapatakbo sa Sihanoukville, Cambodia.

Gumagamit umano ang grupo ng Facebook at iba pang social media platform upang makahanap ng mga biktima at magpanggap na may romantikong interes bago hingan ang mga ito ng verification fee at iba pang bayarin sa isang pekeng website.

Samantala, si An naman ay iniuugnay sa isang stock investment scam syndicate na gumagamit umano ng mga pekeng website, KakaoTalk at Instagram upang manghikayat ng mga mamumuhunan.

Pinadedeposito umano ng grupo ang pera ng mga biktima sa mga bank account na kontrolado ni An at ng kanyang mga kasabwat.

Tinatayang mahigit 3.7 bilyong South Korean won o halos P160 milyon ang nalikom ng dalawang sindikato mula sa kanilang umano’y ilegal na operasyon.

Iniutos ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na isama sa immigration blacklist ang dalawang suspek upang hindi na makabalik sa Pilipinas.

Kasalukuyan silang nakapiit sa BI detention facility sa Taguig City habang isinasagawa ang deportation proceedings.

Tiniyak naman ng BI na patuloy nitong paiigtingin ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal at international law enforcement agency laban sa mga dayuhang pugante na ginagamit ang Pilipinas bilang transit point o taguan. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here