Home HOME BANNER STORY ₱99.4-M Ketamine, nasabat sa 2 shipment sa Clark

₱99.4-M Ketamine, nasabat sa 2 shipment sa Clark

1
0

MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa halos P100 milyon halaga ng nasa halos 20 kilo ng ketamine ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa dalawang shipment sa Port of Clark, Pampanga, matapos matuklasang ginamit umano ang mga ordinaryong produkto bilang pantakip sa pagpapasok ng ilegal na droga sa bansa.

Sa ulat ng BOC, nagmula sa Switzerland at Amsterdam ang dalawang kargamento na kapwa idineklarang naglalaman ng mga produktong walang kaugnayan sa ilegal na droga.

Nasabat ang mga ito noong Oktubre 22 sa magkahiwalay na operasyon ng BOC-Port of Clark at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kasunod ng impormasyong natanggap mula sa PDEA Airport Interdiction Unit.

Ang unang shipment mula Switzerland ay may 9,882 gramo ng hinihinalang ketamine na itinago sa kargamentong idineklarang roasted coffee beans, coffee machine at mga kagamitan sa paghahanda ng kape. Nakalaan umano ito para sa isang consignee sa Mandaluyong City.

Samantala, ang ikalawang shipment mula Amsterdam ay naglalaman ng 10,007 gramo ng ketamine na idineklarang sodium bicarbonate cleaning powder at nakatakdang ipadala sa Montalban, Rizal.

Kinumpirma sa laboratory examination ng PDEA na positibo sa ketamine ang mga nasamsam na substansiya. Saklaw ang naturang droga ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as amended.

Dahil inaasahang dadami ang mga padala mula sa ibang bansa ngayong papalapit ang Kapaskuhan, iniutos ni District Collector Jairus S. Reyes ang mas mahigpit na pagsusuri sa mga dokumento, pisikal na inspeksyon at paggamit ng mga X-ray machine upang matukoy ang mga kahina-hinalang kargamento.

Ayon naman kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, paiigtingin ng ahensya ang intelligence-driven operations at pakikipagtulungan sa PDEA upang hadlangan ang paggamit sa mga air express shipment bilang daluyan ng ilegal na droga.

Tiniyak ni Nepomuceno na ipagpapatuloy ng BOC ang kampanya alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa pagpupuslit ng mga ipinagbabawal na gamot sa bansa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here