MANILA, Philippines – Magdadala pa rin ang northeast monsoon o “amihan” ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na mahinang ulan sa ilang bahagi ng Luzon, habang inaasahan ang magandang panahon sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Nob. 3.
Sinabi ni PAGASA weather specialist Veronica Torres na makararanas ng kalat-kalat na mahinang pag-ulan ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley dahil sa amihan.
Inaasahan naman ang pangkalahatang maayos na panahon sa ibang bahagi ng bansa, bagama’t maaari pa ring magkaroon ng isolated rain showers o thunderstorms.
Nagbabala ang PAGASA na ang malalakas na thunderstorms ay maaaring magdulot ng biglaang pagbaha at landslide sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Torres, magpapatuloy ang ganitong kondisyon ng panahon sa susunod na tatlo hanggang limang araw.
Samantala, namataan ang severe tropical storm na may international name na In-fa sa layong 1,870 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon bandang alas-3 ng madaling araw.
Kumikilos ito pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras. Inaasahang magpapatuloy ito sa direksiyong ito sa susunod na 12 oras bago lumiko pa-hilagang-silangan at tuluyang lumayo sa bansa.
Ayon kay Torres, hindi inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo o direktang makaaapekto sa anumang bahagi ng bansa. RNT/MDS