Home NATIONWIDE Panawagang shoot-to-kill vs Sen. Bato, tinutulan ng PNP

Panawagang shoot-to-kill vs Sen. Bato, tinutulan ng PNP

4
0

MANILA, Philippines – Tinanggihan ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes ang panawagang gumamit ng “shoot-to-kill” approach laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at iginiit na dapat sundin ang due process sa pagpapatupad ng arrest warrant laban sa dating hepe ng PNP.

Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na walang karapatan ang mga pulis na pairalin ang sariling batas, anuman ang personalidad na kanilang hinahanap.

“The PNP does not subscribe to a shoot-to-kill approach. Our mandate is to enforce the law, not to take the law into our own hands,” ayon kay Nartatez.

Binigyang-diin niya na dapat igalang sa lahat ng operasyon ng pulisya ang karapatang pantao at rule of law. Nagbabala rin siya laban sa paggamit ng labis na puwersa.

Naglabas ng pahayag ang PNP matapos itanggi ni Cagayan de Oro 1st District Rep. Lordan Suan ang mga kumakalat na post sa social media na nagsasabing nanawagan siya ng resolusyong “shoot-to-kill” laban kay Dela Rosa. Ayon kay Suan, gawa-gawa lamang ang naturang pahayag.

Nahaharap si Dela Rosa sa arrest warrant kaugnay ng mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

Natapos noong Oktubre 30 ang isang linggong palugit na ibinigay ng PNP sa senador upang sumuko. Patuloy naman ang intelligence at monitoring operations ng mga awtoridad upang matukoy ang kanyang kinaroroonan at maipatupad ang warrant.

Ayon kay Nartatez, hindi dapat isakripisyo ang mga legal na proseso sa kabila ng panawagan ng publiko para sa pananagutan.

“We understand the public’s desire for accountability, but justice must never be pursued at the expense of the law,” aniya.

Inatasan niya ang mga yunit ng pulisya na pairalin ang pinakamataas na antas ng pagpipigil at tiyaking naaayon sa pangangailangan ang puwersang gagamitin, habang iginagalang ang karapatang pantao sa pagpapatupad ng warrant.

“The credibility of law enforcement rests not only on our ability to enforce the law but on our discipline in doing so within the limits prescribed by law,” dagdag ni Nartatez. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here