MANILA, Philippines – Natangayan ng mahigit P200,000 halaga ng pera at mga mahahalagang gamit ang isang barangay kagawad matapos holdapin ng mga lalaking sakay ng motorsiklo sa Quiapo, Maynila noong Oktubre 31.
Ayon sa Manila Police District (MPD), naghahanda ang biktima na bumiyahe patungong Batangas nang mangyari ang insidente sa San Rafael Street bandang alas-8 ng gabi.
Tinangay ng mga suspek ang kanyang wallet, wristwatch, kuwintas at iba pang mahahalagang gamit matapos tutukan ng baril ng isa sa mga ito malapit sa isang nakaparadang sasakyan.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang tatlong lalaking sakay ng motorsiklo sa lugar bago ang insidente, na nagpapahiwatig na posibleng pinagplanuhan nila ang panghoholdap.
Nakita sa video na tila binabantayan muna ng isang rider ang biktima bago lumapit ang dalawa pang lalaki. Nakasuot umano ang mga ito ng unipormeng kahawig ng ginagamit ng mga rider ng isang ride-hailing platform.
Una silang dumaan sa lugar bago bumalik makalipas ang halos isang minuto. Hinarap nila ang biktima, kinuha ang kanyang mga gamit at tumakas patungong Ayala Boulevard.
Ayon sa paunang impormasyong ibinigay ng biktima, natagpuan kalaunan sa ParaƱaque ang kanyang wallet na naglalaman ng mga identification card, debit card at iba pang personal na dokumento.
Hindi pa nababawi ang iba pang mahahalagang gamit habang nagpapatuloy ang follow-up operations ng pulisya upang matukoy at matunton ang mga suspek. RNT/MDS