MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ni Finance Secretary Frederick Go ang mga posibleng pagbabago sa Personal Equity and Retirement Account (PERA) upang mahikayat ang mas maraming Pilipino na mag-ipon para sa kanilang pagreretiro at mamuhunan sa pangmatagalang investment.
Ayon kay Go nitong Martes, layunin din nitong mapalawak ang partisipasyon ng publiko sa long-term investments at mapalakas ang Philippine capital market.
Itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 9505 o PERA Act of 2008, ang PERA ay boluntaryong programa sa pag-iipon para sa retirement kung saan maaaring mamuhunan ang mga kwalipikadong indibidwal sa mga aprubadong financial products at makatanggap ng tax incentives alinsunod sa mga umiiral na patakaran.
Layunin nitong madagdagan ang retirement benefits na natatanggap mula sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at iba pang programa.
Ayon kay Go, susuriin ang kasalukuyang annual contribution limits upang malaman kung paano mas mahihikayat ang mga miyembro na magtabi ng mas malaking halaga para sa kanilang pagreretiro, batay sa pagbabago ng kita, pangangailangang pinansyal at kalagayan ng ekonomiya.
Kabilang sa pinag-aaralan ang pagkakaroon ng iisang taunang contribution limit upang gawing mas simple at patas ang mga patakaran.
Sa kasalukuyan, hanggang P200,000 kada taon ang maaaring ihulog ng regular contributors, habang hanggang P400,000 naman ang pinapayagan para sa overseas Filipino workers (OFWs).
Isasaalang-alang din ang iba pang pagbabago sa mga patakaran upang matugunan ang mga hadlang sa pagsali, mapalawak ang kaalaman ng publiko at mapahusay ang programa.
Bilang bahagi ng pagsusuri, hinihikayat ng Department of Finance (DOF) ang mga kinatawan ng financial at investment sectors, employers, labor groups, retirement at pension institutions, at iba pang organisasyon na magsumite ng kanilang mga suhestiyon upang gawing mas accessible at kapaki-pakinabang ang PERA para sa mga manggagawa, OFWs at iba pang kwalipikadong miyembro.
“Our goal is to make PERA a more effective tool for helping Filipinos prepare for retirement. We welcome stakeholder recommendations on how to improve the program, strengthen its incentives, and encourage more people to build long-term savings,” ani Go.
Binigyang-diin ng kalihim na pinag-aaralan pa ang mga panukalang pagbabago at bukas ang DOF sa mga rekomendasyon bago magpatupad ng anumang pagbabago sa PERA framework. RNT/MDS