CALOOCAN CITY, Philippines – Nakakolekta ang Caloocan City Environmental Management Department (CEMD) ng kabuuang 150 sako ng plastic waste mula sa iba’t ibang pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod nitong Undas 2026.
Irer siklo ng CEMD ang mga nakolektang plastik upang gawing kapaki-pakinabang na kagamitan tulad ng upuan, mesa, bag at iba pa.
Naging maayos ang pangongolekta ng basura sa kabila ng pagdagsa ng mga bumisita sa mga sementeryo dahil sa mga hakbang ng CEMD, kabilang ang paglalagay ng biodegradable at non-biodegradable trash bins at mga lalagyan na may karatulang “Shoot Your Empty Plastic Bottle.”
Ipinatupad din ang kampanyang “Basura Ko, Responsibilidad Ko,” na may kaukulang multa sa mga mahuhuling lalabag. Patuloy rin ang pagpapatrolya ng environmental police upang paalalahanan ang publiko at tiyakin ang kalinisan sa mga sementeryo.
Nagpasalamat si Mayor Dale Gonzalo “Along” R. Malapitan sa libo-libong indibidwal na nakiisa at nagpakita ng disiplina sa pagpapanatili ng kalinisan.
“Maraming salamat po sa mga kababayan natin na nagpakita ng kanilang paggalang hindi lamang sa ating kalikasan, kundi maging sa mga namayapa at mga kapwa nila na bumibisita rin sa mga sementeryo,” ani Mayor Along.
Pinuri rin ng alkalde ang mga kawani ng CEMD sa kanilang pagsisikap na panatilihing malinis, payapa at ligtas ang mga sementeryo.
“Pinupuri ko ang CEMD sa inyong mga inisyatiba at epektibong pamamaraan upang mahiyakat ang pakikiisa ng ating mga kababayan. Dahil sa tulong niyo hindi lamang mas naging malinis ang ating kapaligiran, napigilan din ang bulto ng mga plastik na mapunta sa landfill,” dagdag pa ng alkalde. Rene Manahan