MANILA, Philippines – Nakakuha ang Department of Education (DepEd) ng mahigit 172,000 Apple MacBook laptops na ipamamahagi sa mga guro at kawani ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ayon sa DepEd, natapos na ang competitive bidding para sa bahagi ng Computerization Program nito kung saan 172,654 MacBook Neo units ang nakuha ng ahensya.
Nagkakahalaga ng P43,000 ang bawat unit, mas mababa ng P6,900 sa kasalukuyang suggested retail price ng base model sa Pilipinas.
Kasama rin sa package ang limang taong warranty, kumpara sa karaniwang isang taong warranty sa mga naunang laptop procurement ng DepEd.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na layunin ng programa na mabawasan ang pasanin sa mga gurong napipilitang bumili ng sariling laptop o gumamit ng lumang kagamitan para sa kanilang trabaho.
Ayon naman sa DepEd, kinilala ng Apple ang transaksyon bilang pinakamalaki nitong education deal para sa Mac line.
Sa financial results conference call ng Apple, binanggit ng kumpanya ang kasunduan sa DepEd na sasaklaw sa humigit-kumulang 170,000 MacBook units para sa mga guro at kawani.
Sa ilalim ng DepEd Computerization Program, 231,725 laptops na ang na-award para sa mga guro sa buong bansa, kabilang ang 169,008 MacBook Neo units at 62,717 Windows-based laptops.
Ang bagong batch ng 172,654 MacBooks ay nakatakdang ipamahagi mula Nobyembre 2026 hanggang Marso 2027 sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Kasama rin sa procurement ang built-in productivity tools, delivery at logistics, gayundin ang professional development at training para sa mga tatanggap.
Makikipagtulungan din ang DepEd sa Apple para sa GuroXL, isang teaching framework na naglalayong mas ma-integrate ang teknolohiya sa classroom learning.
Ayon sa Malacañang, inaasahang makatutulong ang programa upang mapalakas ang digital skills ng mga guro, mapagaan ang kanilang trabaho at maisulong ang technology-based education sa mga pampublikong paaralan. Santi Celario