PANGASINAN – Dalawang motorcycle rider ang nasawi habang sugatan ang isang angkas matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Urdaneta City.
Nangyari ang aksidente madaling araw ng Linggo sa bahagi ng Manila-North Road sa Barangay Nancayasan.
Batay sa imbestigasyon ng Urdaneta City Police Station, galing Quezon City ang isa sa mga nasawing rider at patungo sana sa kaniyang tiyahin sa Pangasinan.
Pauwi naman sa Nueva Ecija ang isa pang rider kasama ang kaniyang angkas nang mangyari ang banggaan.
Ayon kay Police Lt. Roselle Marinas, public information officer ng Urdaneta City Police Station, sinabi ng nakaligtas na angkas na napunta umano sa kanilang lane ang kasalubong na rider bago naganap ang salpukan.
Kapwa isinugod sa ospital ang dalawang rider ngunit idineklara silang dead on arrival.
Patuloy namang nagpapagaling ang nakaligtas na angkas.
Sinisikap pa ng mga awtoridad na makuha ang pahayag ng mga pamilya ng dalawang nasawi.
Samantala, isa pang lalaki ang nasawi sa hiwalay na aksidente sa Urdaneta City matapos bumangga ang kaniyang kolong-kolong sa isang nakaparadang tricycle sa Bypass Road.
Ayon sa imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol sa sasakyan ang driver dahilan upang mahulog siya at tumama ang ulo sa sementadong kalsada.
Isinugod din siya sa ospital ngunit hindi na umabot nang buhay. Mary Anne Sapico