Home METRO Suspek sa pamamaril sa Capiz radio broadcaster, arestado

Suspek sa pamamaril sa Capiz radio broadcaster, arestado

3
0

ILOILO CITY – Arestado ang isang 42-anyos na lalaki na iniuugnay sa tangkang pagpatay sa radio broadcaster na si Jay “Papang Jay” Lavapiez sa Roxas City, Capiz noong Hunyo.

Kinilala lamang ng pulisya ang suspek sa alyas na “Doming,” na naaresto bandang alas-3:05 ng hapon noong Oktubre 30 sa Barangay Poblacion, Tapaz, Capiz.

Itinuturing siyang No. 2 most wanted person sa naturang bayan.

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 15 sa Roxas City noong Agosto 12 para sa kasong attempted murder.

Nagtakda ang korte ng P120,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Iniuugnay si “Doming” sa pamamaril kay Lavapiez noong Hunyo 22 habang patungo ang broadcaster sa istasyon ng Baskog Radyo, kung saan nagsisilbi siyang station manager at news anchor.

Batay sa impormasyon ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS), bandang alas-5:40 ng umaga noon ay minamaneho ni Lavapiez ang kaniyang sasakyan sa national highway sa Barangay Cagay nang harangin umano siya ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.

Apat na putok umano mula sa 9mm pistol ang pinakawalan patungo sa driver’s side ng sasakyan.

Nagawa ni Lavapiez na imaniobra ang sasakyan patungo sa roadside gutter at nakaligtas nang walang tinamong sugat.

Isinagawa ang pag-aresto ng Tapaz Municipal Police Station katuwang ang Capiz Provincial Police Intelligence Unit, 2nd Capiz Provincial Mobile Force Company, Roxas City Police Station, Regional Intelligence Division at Regional Special Operations Group.

Ayon kay Police Regional Office 6 Director Brig. Gen. Randulf Tuaño, bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya laban sa mga wanted person sa rehiyon.

Pinuri rin ng PTFOMS ang pagkakaaresto ngunit iginiit na mahalagang maituloy ang imbestigasyon at prosecution upang mapanagot ang mga nasa likod ng mga pag-atake sa mga mamamahayag.

Nasa kustodiya ngayon ng Tapaz Municipal Police Station ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang legal proceedings.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa pamamaril kay Lavapiez at sa pagkakakilanlan at pananagutan ng iba pang posibleng sangkot. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here