MANILA, Philippines – Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na walang “shoot-to-kill” order laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at anumang operasyon para sa kaniyang pag-aresto ay dapat sumunod sa due process, human rights at rule of law.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., hindi sinusuportahan ng organisasyon ang paggamit ng “shoot-to-kill” approach sa pagsisilbi ng arrest warrant.
“Our mandate is to enforce the law, not to take the law into our own hands,” ayon kay Nartatez.
Sinabi rin ng PNP na kailangang pairalin sa anumang operasyon ang maximum restraint, proportionality at paggalang sa karapatang pantao.
Lumabas ang paglilinaw matapos kumalat sa social media ang mga post na nananawagan umano ng matinding hakbang laban kay dela Rosa.
Itinanggi naman ni Cagayan de Oro 1st District Rep. Lordan Suan ang isang kumakalat na quote card na nag-uugnay sa kaniya sa umano’y panawagang “shoot-to-kill” laban sa senador.
Ayon kay Suan, peke at gawa-gawa ang naturang pahayag at naninindigan siya sa due process at rule of law.
Nilinaw din ng PNP na luma ang kumakalat na larawan ni dela Rosa na umano’y kuha sa isang sementeryo sa Digos City.
Ayon kay PNP spokesperson Police Col. Allen Rae Co, nakumpirma ng kanilang technical team na tatlong taon na ang naturang larawan at hindi ito patunay na nakita kamakailan ang senador sa lugar.
Patuloy naman ang manhunt operation laban kay dela Rosa matapos lumipas ang itinakdang panahon para sa kaniyang boluntaryong pagsuko.
Nauna nang sinabi ng PNP na pinaigting nito ang paghahanap sa senador at bumuo ng mga task group para sa operasyon.
Nahaharap si dela Rosa sa warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng crimes against humanity case na nag-ugat sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
May P50 milyong reward din para sa impormasyong hahantong sa kaniyang pag-aresto.
Hinimok ng PNP ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at umasa lamang sa mga opisyal at mapagkakatiwalaang source. RNT