Home METRO 350 kilo ng ‘puslit’ na karne nasabat sa Pasay; 2 Chinese timbog

350 kilo ng ‘puslit’ na karne nasabat sa Pasay; 2 Chinese timbog

7
0

MANILA, Philippines – Umabot sa 350 kilo ng iba’t ibang meat products na karamihan ay hinihinalang smuggled mula China ang nasabat sa isang bahay sa Pasay City sa ikinasang entrapment operation ng National Meat Inspection Service (NMIS) at National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon sa NMIS, nakalagay sa mga freezer ang mga karne at ibinebenta umano online nang walang kaukulang dokumento.

Dalawang test buy muna ang isinagawa ng mga awtoridad bago ikinasa ang operasyon.

Kabilang sa mga nakumpiskang imported meat products ang peking duck, yellow chicken at palaka, habang may nakita ring local products gaya ng rabbit, gansa at black chicken.

Tinatayang P183,000 ang kabuuang halaga ng mga nasabat na karne.

Ayon kay NMIS Executive Director Dr. Fernando Lontoc, ilan sa mga produkto ay mula umano sa mga bansang hindi awtorisadong mag-export ng meat products sa Pilipinas.

Babala niya, maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ang mga produktong hindi dumaan sa tamang slaughtering, handling at inspection process.

Inaresto naman ang dalawang Chinese nationals na inabutan sa naturang bahay.

Mahaharap sila sa reklamong paglabag sa Meat Inspection Code of the Philippines.

Sinisikap pa silang makuhanan ng pahayag kaugnay ng insidente.

Ayon pa sa NMIS, karamihan umano sa mga bumibili ng naturang produkto ay Chinese nationals din.

Dadalhin sa isang rendering facility ang mga nasabat na karne para sa wastong disposal.

Pinaalalahanan naman ng NMIS ang publiko na maging maingat sa pagbili ng murang meat products online, lalo na ngayong papalapit ang Kapaskuhan, at tiyaking lehitimo at may kumpletong dokumento ang pinagmumulan ng mga ito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here