Home ENTERTAINMENT KMJS humingi ng paumanhin sa Paete woodcarver sa ‘Gabi ng Lagim’ feature...

KMJS humingi ng paumanhin sa Paete woodcarver sa ‘Gabi ng Lagim’ feature issue

6
0

MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” (KMJS) sa pamilya ng woodcarver na si Pio Fadul at sa mga taga-Paete, Laguna matapos umani ng puna ang segment na “Ukit” sa “Gabi ng Lagim XIV.”

Sa naturang episode na ipinalabas noong Nobyembre 1, ikinuwento ni Lily guitarist Nathan Reyes ang umano’y kakaibang karanasan matapos mag-uwi ng isang wood carving na ginawa ni Fadul.

Gayunman, mariing itinanggi ni Fadul na may kaugnayan sa anumang masamang elemento o occult practices ang kaniyang mga likha.

Nagpahayag naman ng pagkabahala ang pamilya at mga kasamahan ni Fadul dahil maaaring magbigay umano ng maling impresyon ang segment tungkol sa kaniyang sining at sa tradisyon ng woodcarving sa Paete.

Ayon sa grupo, maraming taon nang inilaan ni Fadul sa paglinang ng kaniyang talento at bahagi ng matagal nang cultural heritage ng Paete ang kaniyang mga likha.

Nilinaw din nila na ang nabanggit na mental health struggles ni Fadul sa programa ay walang kaugnayan sa anumang supernatural o paranormal na pangyayari.

Humingi rin ng paumanhin si Reyes at sinabing hindi niya intensyong masira ang reputasyon o kabuhayan ni Fadul.

Ayon sa gitarista, dapat sana ay nakatuon lamang ang kuwento sa partikular na bagay at hindi sa pagkakakilanlan ng gumawa o sa pinagmulan nito.

Samantala, sinabi ng KMJS team na nakapanayam din nila ang Paete Historical and Cultural Heritage Foundation Inc. upang bigyang-diin na bahagi ng kultura, pananampalataya at kabuhayan ng bayan ang pag-uukit.

Nilinaw ng programa na ang ulat ay tungkol lamang sa mga karanasang iniugnay sa isang partikular na ukit at hindi dapat iugnay sa masasamang elemento ang iba pang likha ni Fadul o ang woodcarving industry ng Paete.

“Nirerespeto at pinahahalagahan namin ang kanilang reputasyon, kabuhayan, at pamanang kultural,” ayon sa KMJS sa kanilang pahayag.

Humingi rin sila ng paumanhin sa pamilya Fadul at sa mga taga-Paete sa pagkabahalang naidulot ng segment.

Nauna nang nagpasa ang Sangguniang Bayan ng Paete ng Resolution No. 166 na humihiling ng public clarification at apology mula sa GMA Network at KMJS dahil sa umano’y “inaccurate portrayal” ng woodcarving heritage ng bayan.

Binigyan ng konseho ang network at programa ng 15 araw upang tugunan ang kanilang mga kahilingan at nagbabala na maaari silang maghain ng hiwalay na resolusyon para sa posibleng persona non grata declaration kung hindi ito matutugunan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here