LAGUNA – Arestado ang isang 38-anyos na lalaking itinuturing ng pulisya na high-value individual matapos umanong makuhanan ng mahigit P1.4 milyong halaga ng shabu sa Calamba City.
Ayon kay Calamba City Police chief Lt. Col. Dennis de Guzman, naaresto ang suspek sa buy-bust operation sa Barangay Pansol bandang alas-6:15 ng gabi nitong Martes.
Nabisto umano ang suspek matapos magbenta ng P500 halaga ng hinihinalang shabu sa isang undercover police officer.
Narekober mula sa kaniya ang walong heat-sealed plastic sachet at isang transparent plastic na naglalaman umano ng kabuuang 213.4 gramo ng hinihinalang shabu.
Batay sa standard drug valuation na P6,800 kada gramo, tinatayang P1,451,120 ang halaga ng nakumpiskang illegal drugs.
Ayon sa pulisya, kabilang ang suspek sa drug watch list at ikinokonsiderang high-value individual o HVI.
Ang HVI ay ginagamit na klasipikasyon para sa mga hinihinalang financier, trafficker, manufacturer at importer ng illegal drugs, gayundin sa ilang miyembro o lider ng drug groups.
Nananatili sa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kaukulang reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Mary Anne Sapico