MANILA, Philippines – Naghain si Senate President Pro Tempore Vicente C. Sotto III ng isang resolusyon na naglalayong atasan ang Senate Committee on Rules na magtakda ng malinaw na alituntunin hinggil sa matagalang hindi awtorisadong pagliban ng miyembro ng Senado.
Ang Senate Resolution No. 751, na inihain noong Oktubre 27, ay naglalayong punan ang nakikitang kakulangan sa umiiral na patakaran ng Senado kaugnay sa mga miyembrong nananatiling absent sa mahabang panahon nang walang pahintulot, na maaaring makaapekto sa kanilang kakayahang gampanan ang mahahalagang tungkulin bilang mambabatas.
Sa kanyang resolusyon, binigyang-diin ni Sotto ang prinsipyo ng Konstitusyon na ang public office ay public trust, at pinaalalahanan ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang obligasyon na manatiling nananagot sa sambayanang Pilipino at gampanan ang kanilang tungkulin nang may responsibilidad, integridad, katapatan, at kahusayan.
Muling iginiit din sa SRN 751 na ang mga senador, bilang mga halal na kinatawan na ang sahod at allowances ay mula sa buwis ng taumbayan, ay may responsibilidad na masigasig na tuparin ang kanilang tungkuling pambatas at katawanin ang interes ng kanilang nasasakupan.
Nakasaad sa panukala na ang matagalang pagliban at pagpapabaya sa tungkulin ay naging usapin na ng publiko, kung saan may mga reklamo na laban sa ilang miyembro ng Senado na nai-file na sa Committee on Ethics.
Sa pamamagitan ng resolusyon, hinihimok ang Senado na atasan ang Committee on Rules na pag-aralan at gawing pormal ang angkop na hakbang kaugnay sa matagalang hindi awtorisadong pagliban, kabilang ang pagrepaso sa umiiral na mga patakaran at pagtukoy ng mga posibleng mekanismo upang tugunan ang nasabing isyu. Ernie Reyes