Home NATIONWIDE Online public dashboard sa pondo, programa vs Super El Nino, pinalilikha sa...

Online public dashboard sa pondo, programa vs Super El Nino, pinalilikha sa Senado

3
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa paglikha ng online public accountability dashboard upang masubaybayan ang paggamit ng pondo at bantayan ang pagtugon ng gobyerno laban sa epekto ng malakas na El Niño.

Sa pahayag, direktang ipinananawagan ni Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform ay direktang kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang paglikha nito.

“Nananawagan ako sa Pangulo na atasan ang NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council), sa pamamagitan ng OCD (Office of Civil Defense) at ng mga kinauukulang ahensya, na magkaroon ng iisang, koordinadong El Niño action plan na may malinaw na mga pinuno, masusukat na target, at regular na public reporting,” pahayag niya sa kanyang eight-point action plan.

Binigyang-diin ng senador na dapat tiyakin ng gobyerno na ang mga paghahanda at interbensyon nito na pawang coordinated, nakatuon sa resulta, at bukas sa pampublikong pagsusuri, lalo na kung sangkot ang pondo ng bayan.

“Ang gulugod ng lahat ng ito: Maayos na paggastos ng pera ng taumbayan,” dagdag pa niya. “Dapat malinaw sa publiko kung saan napupunta ang pondo, ano ang mga ginagawa ng gobyerno, at ano ang mga resulta ng mga hakbang na ito.”

Ang kanyang panawagan na magtatag ng online public dashboard ay bahagi ng kanyang eight-point action plan, na kinabibilangan din ng pagdedeklara ng state of calamity o state of imminent disaster sa mga apektado o nanganganib na lugar, kung naaayon sa umiiral na batas, pagtukoy sa mga available na pondo, prepositioning ng relief supplies, pagbibigay ng livelihood assistance, pagpapatupad ng mga naaangkop na price-control measures, paghabol sa mga sangkot sa hoarding at profiteering, at pagprotekta sa suplay ng tubig ng bansa.

Noong nakaraang taon, nagsulong din ang senador ng Farm-to-Market Road Watch Portal ng Department of Agriculture (DA) sa gitna ng gulo sa flood control. Ang portal ay isang online transparency at monitoring platform na ginawa upang subaybayan ang mga proyekto ng FMR sa buong bansa.

Ang online dashboard para sa malakas na El Niño response ay dapat magbigay ng napapanahong update sa weather forecasts, damage assessments, kondisyon ng tubig, prayoridad na pangangailangan, alokasyon ng pondo, imbentaryo ng suplay, at price-control advisories, bukod sa iba pang kritikal na impormasyon.

Iminungkahi ni Pangilinan ang reporting intervals na 24 oras, 48 oras, o lingguhan, depende sa pagkamadali at uri ng impormasyon, upang matiyak na agad na isinisiwalat ng mga ahensya ng gobyerno ang mahahalagang kaganapan, pangangailangan sa resources, at progreso ng response efforts.

Bukod sa pagsubaybay sa availability ng resources, dapat ding bantayan ng sistema ang pagpapalabas at paggamit ng pondo, paghahatid ng mga suplay, bilang ng mga household na naabutan, pagkumpleto ng mga interbensyon sa sakahan at water system, pagresolba sa mga reklamo sa presyo, at pagsasampa ng kaso laban sa mga lumalabag sa batas.

Binanggit niya ang Section 8 ng Republic Act No. 12287 o ang Declaration of State of Imminent Disaster Act, na nag-aatas sa Office of Civil Defense (OCD) na subaybayan ang mga lugar na idineklara sa ilalim ng state of imminent disaster at sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na mag-ulat sa katayuan ng mga deklarasyon sa lokal na lebel,

Anticipatory Action Funds at paggamit nito, at ang tinatayang economic at social costs na naiwasan sa pamamagitan ng anticipatory interventions.

Iminungkahi ni Pangilinan na palawakin ang mga statutory reporting requirements na ito sa pamamagitan ng pagtatatag ng publicly accessible online dashboard upang pagsama-samahin ang impormasyon sa mga available na pondo, interbensyon ng gobyerno, at resulta ng El Niño preparedness at response efforts.

“As I have said, I will seek the updated funding and implementation reports before plenary and pursue oversight to ensure that commitments made during the budget hearing translate into assistance on the ground,” aniya.

Nanawagan din si Pangilinan sa publiko na manatiling mapagmatyag at aktibong subaybayan ang paggamit ng pondo ng gobyerno na nakalaan para tugunan ang epekto ng El Niño, at binigyang-diin na ang accountability ay isang responsibilidad na pinagsasaluhan.

“Bantayan natin ang pondo at tingnan kung talagang napupunta sa mga nangangailangan ang pondong inyong pinaghirapan pagtrabahuhan. Isumbong ninyo kung may mga iregularidad na nakita. Gamitin ninyo ang mga social media accounts ninyo para magbantay at i-call out ang mga dapat managot. Pera ito ng taumbayan, kaya dapat may malinaw na resulta at may pananagutan ang gobyerno kung paano ito ginagastos,” giit niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here