MANILA, Philippines – Sa gitna ng lumalaking banta ng teknolohiyang digital sa mga kabataang bulnerable, muling pinagtibay ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang pangako ng ahensya na protektahan ang mga bata laban sa mga panganib online.
Ginawa niya ito sa ASEAN ICT Forum 2026 on Child Online Protection na ginanap sa Grand Hyatt Hotel nitong Miyerkules, Nobyembre 4.
Ang kaganapan, na may temang “Stronger Safeguards, Stronger Voices: Advancing Collective Action Against Online Child Exploitation and Abuse,” ay inorganisa ng Department of Justice (DOJ) upang palakasin ang mga ugnayan sa buong Timog-Silangang Asya.
Sa kanyang mensahe sa harap ng mga delegado ng forum at mga tagapagtaguyod ng proteksyon sa mga bata, binigyang-diin ni Secretary Gatchalian ang pangangailangang i-adjust ang mga balangkas ng proteksyon sa gitna ng mabilis na pagbabago ng teknolohiya.
“Sa kabilang banda, ang teknolohiyang ito ay naglalantad din sa ating mga mamamayan—lalo na sa ating mga bata at kabataan—sa mga panganib at pinsala online. Ang pagdami ng mga kaso ng pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata online ay nagpapakita ng pangangailangang isaalang-alang ang mga hakbang para sa proteksyon ng mga bata sa internet. Kinakailangan dito ang pagkilos mula sa mga sistema ng suporta para sa mga bata, sa gitna ng isang mabilis na nagbabagong kapaligiran. Ang paghahanap ng balanse sa pagitan ng mga benepisyo at panganib ng paggamit ng mga digital platform ay isang hamon na dapat nating sama-samang harapin,” pahayag ni Secretary Gatchalian.
Kaugnay nito upang tugunan ang mga umuusbong na banta sa digital na espasyo, ang ASEAN Regional Plan of Action for the Protection of Children from all forms of Online Exploitation and Abuse 2026 to 2030 ay nagtatakda ng mga prayoridad na hakbang sa pitong pokus na larangan—kabilang ang patakaran, pagpapalakas ng kakayahan, proteksyon sa bata, pagsubaybay, at kamalayan.
Sa pambansang antas, patuloy na ipinapatupad ng DSWD ang mga partikular na inisyatiba laban sa pagsasamantala—partikular sa pamamagitan ng Project SAFE laban sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Childre (OSAEC)—upang matiyak ang komprehensibong interbensyon sa bawat yugto ng pangangalaga sa mga biktima.
“Sa pambansang antas, sa pamamagitan ng Project SAFE laban sa OSAEC, nakapagbibigay kami ng isang holistikong modelo ng interbensyon na nakatuon sa pag-iwas, proteksyon, pagpapagaling, pagpapalakas ng pamilya, ligtas na muling pagsasama sa lipunan, at pag-iwas sa muling pagiging biktima,” pahayag ni Secretary Gatchalian.
Bukod sa mga agarang pagsisikap sa pagsagip, nagpapanatili rin ang DSWD ng mga pasilidad na tirahan at mga espesyal na sentro upang matiyak ang ganap na rehabilitasyon at pangmatagalang paggaling ng mga biktima. Santi Celario