Home NATIONWIDE 79 ‘rebelde’ napatay sa military ops ngayong 2026 — NTF-ELCAC

79 ‘rebelde’ napatay sa military ops ngayong 2026 — NTF-ELCAC

4
0

MANILA, Philippines — Umabot sa 79 umano’y rebelde ang napatay sa mga operasyong militar ngayong 2026, ayon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sa pahayag ng task force, 1,355 umano’y miyembro ng communist armed groups ang “neutralized” sa operasyon ng pamahalaan ngayong taon.

Sa naturang bilang, 1,227 ang sumuko, 48 ang naaresto at 79 ang napatay sa military operations, ayon sa NTF-ELCAC.

Hinimok din ng task force ang mga member agency nito na bigyang-prayoridad ang mga programang makatutulong sa reintegration ng mga dating rebelde sa lipunan.

Sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director Danilo Pamonag na umabot na sa 27,897 dating miyembro at supporter ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front ang nagbalik-loob sa pamahalaan mula noong 2022.

Nanawagan din si Pamonag sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, National Intelligence Coordinating Agency, Department of Information and Communications Technology at National Bureau of Investigation na paigtingin ang cybersecurity measures laban umano sa online radicalization at terrorism financing schemes.

Samantala, pinoproseso rin ng amnesty board ang 13,841 aplikasyon para sa amnestiya ng mga dating rebelde.

Noong 2023, naglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Proclamation Nos. 403, 404, 405 at 406 na nagbibigay ng amnestiya sa ilang miyembro ng CPP-NPA-NDF, Moro National Liberation Front, Moro Islamic Liberation Front at Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas-Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade, alinsunod sa kani-kanilang saklaw at kondisyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here