MANILA, Philippines — Isasara muna bilang default ng Google ang access sa artificial intelligence (AI) tools para sa K-12 student accounts upang mabigyan ang mga paaralan ng mas malaking kontrol sa paggamit ng teknolohiya sa classrooms.
Kabilang sa awtomatikong idi-disable ang Gemini, Gemini Notebook, Gemini in Classroom at AI-powered Google Search hangga’t hindi ito ini-enable ng school administrators.
Ayon sa Google, ipatutupad ang bagong controls sa buong mundo, simula sa Estados Unidos, bagama’t wala pang itinakdang petsa para sa rollout.
Sa ilalim ng pagbabago, kung pipiliin ng isang paaralan na huwag payagan ang AI, maaari ring mawalan ng access ang mga estudyante sa Google Search dahil malalim nang naka-integrate ang AI features sa search engine.
Nauna nang umani ng kritisismo ang Google dahil sa pag-enable ng AI tools para sa mga estudyante habang pinagdedebatehan pa ng maraming paaralan kung paano ito dapat gamitin sa edukasyon.
Noong Agosto, binuksan ng Google ang Gemini chatbot sa Google Classroom para sa mga estudyante sa lahat ng edad sa mga paaralang naka-enable na ang Gemini.
Kabilang sa mga feature nito ang guided assistance sa assignments, study guides, practice quizzes at flashcards na maaaring gawin gamit ang course materials ng estudyante.
Ayon sa Google, higit 150 milyong estudyante sa buong mundo ang gumagamit ng Google Classroom.
Nauna ring nagpahayag ng pangamba ang ilang US officials at school districts hinggil sa epekto ng AI sa academic work, student privacy at papel ng mga guro sa classroom.
Iginiit naman ng Google na layunin ng bagong polisiya na bigyan ang mga paaralan ng mas malaking kapangyarihang magpasya kung kailan at paano gagamitin ng kanilang mga estudyante ang AI.
Sinabi rin ng kumpanya na nauunawaan nito ang pangamba na maaaring gamitin ng mga estudyante ang AI bilang shortcut sa paggawa ng schoolwork. RNT