Home NATIONWIDE Solon suportado pagtanggal ng limit sa bilang ng motor taxis

Solon suportado pagtanggal ng limit sa bilang ng motor taxis

1
0

MANILA, Philippines — Sinuportahan ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez ang panawagan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na alisin o baguhin ang kasalukuyang limitasyon sa bilang ng motorcycle taxi riders.

Ayon kay Gutierrez, hindi na umano tumutugon sa kasalukuyang pangangailangan ng mga commuter at rider ang fixed caps na itinakda bago pa ang pandemya.

Iginiit ng mambabatas na dapat ibatay sa aktuwal na demand ng publiko ang bilang ng mga motorcycle taxi rider sa halip na manatili sa nakapirming quota.

Nauna nang sinabi ni Dizon na sa halip na bawasan ang bilang ng motorcycle taxi riders ay dapat itong dagdagan, partikular sa Metro Manila kung saan nananatiling limitado ang ilang public transport options.

Sinabi ni Gutierrez na pinatitibay nito ang pangangailangan na maipasa ang House Bill No. 4416 o Motorcycle Taxi Bill, na naglalayong magkaroon ng permanenteng legal na framework para sa operasyon ng motorcycle taxis. Nakabinbin pa ang panukala sa House Committee on Transportation.

Sa ilalim ng panukala, layong magkaroon ng demand-based na patakaran sa bilang ng riders, social protections at benepisyo para sa kanila, gayundin ng mas malinaw na regulatory authority para sa DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Para kay Gutierrez, hindi sapat ang pansamantalang administrative actions at policy reviews dahil maaari pa ring maapektuhan ng biglaang pagbabago sa polisiya ang mga rider at commuter.

Muli niyang hinimok ang Kongreso na aksiyunan ang panukala upang magkaroon ng mas malinaw at pangmatagalang regulasyon sa motorcycle taxi services. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here