Home METRO 15-anyos kinasuhan ng parricide sa pagkamatay ng ina sa Bohol

15-anyos kinasuhan ng parricide sa pagkamatay ng ina sa Bohol

1
0

CEBU CITY — Kinasuhan ng parricide ang isang 15-anyos na lalaki kaugnay ng pagkamatay ng kanyang ina sa Panglao, Bohol.

Ayon sa Police Regional Office-7 (PRO-7), lumabas sa imbestigasyon na kumilos umano nang may “discernment” ang menor de edad nang maganap ang insidente.

Natagpuan ang bangkay ng kanyang ina sa loob ng isang abandonadong septic tank sa Barangay Looc noong Sabado, Oktubre 31.

Sinabi ni PRO-7 spokesperson Police Lt. Col. Rolan Aliser na nananatili sa kustodiya ng Panglao Municipal Social Welfare and Development Office ang menor de edad.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag-ina matapos pagsabihan ng biktima ang kanyang anak dahil sa hindi pagpasok sa klase.

Ayon sa pulisya, hinampas umano ng menor de edad ng martilyo ang kanyang ina bago dinala ang bangkay sa abandonadong septic tank na ilang metro ang layo mula sa kanilang bahay.

Natuklasan ng mga residente ang bangkay matapos mapansin ang mabahong amoy mula sa lugar.

Sinabi ng pulisya na umamin umano ang menor de edad sa pananakit sa kanyang ina matapos makakita ang mga imbestigador ng mga bakas ng dugo sa kanilang bahay.

Ipinaliwanag ni Aliser na inihain ang parricide complaint matapos matukoy ng mga imbestigador na mayroon umanong discernment ang menor de edad sa ginawa nito.

Sa ilalim ng juvenile justice system, ang discernment ay tumutukoy sa kakayahan ng isang menor de edad na maunawaan na mali ang kanyang ginawa at ang posibleng kahihinatnan nito.

Dahil menor de edad ang sangkot, nananatili siyang nasa pangangalaga ng social welfare authorities habang nagpapatuloy ang kaukulang legal na proseso. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here