MANILA, Philippines — Isinusulong ng International Criminal Court (ICC) prosecutors ang pagpasok bilang ebidensya ng karagdagang testimonya kaugnay ng ilang high-profile killings noong drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang ang pagkamatay ni Kian delos Santos at dating Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr.
Layunin umano ng mga testimonya na kuwestiyunin ang mga pahayag ng pulisya na kumilos ang mga operatiba bilang self-defense sa ilang operasyon.
Sa ika-10 application ng prosecution sa ilalim ng Rule 68(3), hiniling sa ICC Trial Chamber III na tanggapin ang prior recorded testimonies ng mga witness na kinilala bilang P-0025 at P-1382.
Ayon sa prosecution, nagbibigay ang dalawang witness ng impormasyon tungkol sa lawak at mga pangyayari sa mga pagpatay noong drug war, kabilang ang umano’y pagtaas ng police killings at mga pagkakaiba sa ebidensyang kanilang sinuri kumpara sa police accounts.
Kabilang sa mga kasong binanggit sa testimony ni P-0025 ang Incident 14, na tumutukoy sa pagkamatay ni Parojinog at ilang iba pa sa Ozamiz City noong Hulyo 30, 2017.
Ang Incident 30 naman ay tumutukoy sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian delos Santos noong Agosto 16, 2017.
Kasama rin ang Incident 46 na kinasasangkutan ng dalawang umano’y drug users na napatay sa Bulacan at Incident 55 na tumutukoy sa pagkamatay ng isa pang umano’y drug user sa Quezon City.
Ayon sa prosecution, may ilang kasong nakita umano ni P-0025 na ang ebidensya ay salungat sa claims ng pulisya na self-defense ang dahilan ng pamamaril. Redacted o hindi isinapubliko ang ilan sa mga detalye.
Iginiit din ng prosecutors na makatutulong ang testimonya upang suportahan ang kanilang alegasyon na may polisiya umanong “neutralize” ang mga pinaghihinalaang kriminal sa pamamagitan ng mararahas na krimen, kabilang ang pagpatay.
Samantala, sinabi ng prosecution na nagbibigay naman si P-1382 ng impormasyon tungkol sa umano’y malaking pagtaas ng killings noong panahon ng Duterte administration at sa police operations na isinagawa kasabay nito.
‘Pattern of violence’
Sa hiwalay na ika-siyam na application sa ilalim ng Rule 68(3), hiniling din ng ICC prosecutors na tanggapin ang prior recorded testimonies ng witnesses P-0004, P-0014 at P-1371.
Ayon sa prosecution, may impormasyon ang mga ito tungkol sa umano’y pattern at modus operandi ng ilang police killings at sa pagpapatupad ng drug war policy.
Marami sa detalye ng testimonya at pagkakakilanlan ng mga sangkot ang nananatiling redacted sa public versions ng ICC filings.
Kung papayagan ng Trial Chamber III, maaari pa ring humarap sa korte ang ilan sa mga witness para sa supplementary examination kaugnay ng kanilang naunang testimonya.
Nahaharap si Duterte sa tatlong counts ng crimes against humanity kaugnay ng murder at attempted murder na umano’y naganap noong panahon niya bilang Davao City mayor at Pangulo ng Pilipinas.
Nakatakdang magsimula ang kanyang trial sa ICC sa Nobyembre 30. RNT